The chat will start when you send the first message.
1Tinawag ni Hesus ang kanyang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamáng espiritu at magpagaling ng anumang sakit at karamdaman.
una, si Simon (na tinatawag ding Pedro), at ang kanyang kapatid na si Andres,
sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo,
3si Felipe, si Bartolome,
si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis,
si Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo,
4si Simon na makabayan, at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Hesus kinalaunan.[#10:4 : Si Simon ay naging kabilang sa grupo ng mga Hudyong lumalaban sa mga taga-Roma.]
5Ang labindalawang itoʼy sinugo ni Hesus at binilinan, “Huwag kayong pupunta sa mga Hentil o papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano.
6Sa halip, puntahan ninyo ang sambayanang Israel dahil sila ay parang mga nawawalang tupa.
7Ipahayag ninyo sa kanila na malapit na ang paghahari ng Langit.
8Pagalingin nʼyo ang mga may sakit, buhayin nʼyo ang mga patay, pagalingin nʼyo ang mga may malubhang sakit sa balat, at palayasin nʼyo ang mga demonyo. Tinanggap nʼyo ang kapangyarihang ito nang walang bayad, kaya ipamahagi rin ninyo nang walang bayad.
9“Huwag kayong magbaon ng pera,[#10:9 : Sa literal, ginto, pilak, o tanso.]
10o kayaʼy magdala ng balutan, damit na pambihis, sandalyas o tungkod. Sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat tumanggap ng kanyang ikabubuhay.
11“Sa alinmang bayan o nayon na inyong pupuntahan, humanap kayo ng taong malugod kayong tatanggapin sa kanyang bahay, at makituloy kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo.
12Sa pagpasok nʼyo sa tahanang iyon, batiin nʼyo ang lahat ng nakatira doon.
13Kung karapat-dapat ang tahanang iyon, igawad ninyo sa kanila ang inyong pagpapala. Kung hindi, bawiin ninyo ito.
14Kung mayroong hindi tumanggap sa inyo o ayaw makinig sa inyong sasabihin, umalis kayo sa tahanan o bayang iyon, at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa.[#10:14 : Ito ay tanda ng pagtanggi nila sa isang lugar.]
15Sinasabi ko sa inyo ang totoo, sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin nila kaysa sa mga taga-Sodoma at taga-Gomora.
16“Tandaan nʼyo, tulad kayo ng mga tupang sinugo ko sa mga lobo, kaya maging matalino kayong tulad ng ahas, at maamo tulad ng kalapati.
17Mag-ingat kayo; sapagkat dadakpin nila kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga.
18Dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari para idemanda dahil sa pagsunod nʼyo sa akin. Ngunit pagkakataon nʼyo iyon upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil ng tungkol sa akin.
19At kapag dinala kayo sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin nʼyo o kung paano kayo sasagot. Ipapaalam sa sandaling iyon kung ano ang sasabihin ninyo,
20sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
21“May mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para ipapatay, at ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak. Kakalabanin naman ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay.
22Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit ang mananatiling matatag sa pananampalataya hanggang sa wakas ay maliligtas.
23Kapag inuusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, bago pa man ninyo nalilibot ang lahat ng bayan ng Israel ay babalik na ang Anak ng Tao.
24“Walang mag-aaral na higit sa kanyang guro, walang aliping higit sa kanyang amo.
25Sapat na sa isang mag-aaral na maging katulad ng kanyang guro, at sa alipin na maging katulad ng kanyang amo. Kung ang pinuno ng sambahayan ay tinatawag nilang Satanas, gaano pa kaya kasamâ ang itatawag nila sa mga kasambahay nito?[#10:25 : Sa Griyego, Beelzebul.]
26“Kaya huwag kayong matakot sa mga taong ito. Sapagkat walang natatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag.
27Ang mga sinasabi ko lamang sa inyo na walang nakarinig ay ipaalam ninyo sa mga tao; ang mga ibinubulong ko sa inyo ay ipahayag ninyo sa lahat.
28Huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang katawan lang ninyo ang kaya nilang patayin, ngunit hindi ang inyong kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa Diyos, na siyang may kakayahang puksain ang katawan at kaluluwa ninyo sa impiyerno.
29Hindi baʼt napakamura lang ng halaga ng dalawang maya? Ngunit wala ni isa man sa kanila ang nahuhulog sa lupa nang hindi ipinapahintulot ng inyong Ama.
30Mas lalo na kayo, maging ang bilang ng inyong mga buhok ay alam niya.
31Kaya huwag kayong matakot, dahil mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.
32“Ang sinumang kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit.
33Ngunit ang hindi kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Amang nasa langit.
34“Huwag ninyong isipin na naparito ako para maghatid ng kapayapaan sa lupa. Hindi ako naparito para magkaroon ng kapayapaan, kundi hidwaan.
35‘Dahil sa akin, kakalabanin ng anak na lalaki ang kanyang ama,
ng anak na babae ang kanyang ina,
at ng manugang na babae ang kanyang biyenang babae.
36Ang magiging kaaway ng isang tao ay ang sarili niyang sambahayan.’[#10:36 Micas 7:6.]
37“Ang nagmamahal sa kanyang mga magulang nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat na maging alagad ko. At ang nagmamahal sa kanyang anak nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat na maging alagad ko.
38Ang sinumang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat na maging alagad ko.
39Ang sinumang nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ang siyang makakatagpo nito.
40“Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.
41Ang sinumang tumatanggap sa isang propeta dahil sa kanyang pagkapropeta ay makatatanggap ng gantimpalang naaayon sa isang propeta. At ang sinumang tumatanggap sa matuwid na tao dahil sa kanyang pagkamatuwid ay makatatanggap ng gantimpalang naaayon sa matuwid na tao.
42At ang sinumang magbibigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa pinakahamak kong alagad ay tiyak na makakatanggap ng gantimpala.”