Mateo 13

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik

(Mar. 4:1‑9; Luc. 8:4‑8)

1Nang araw ding iyon, lumabas ng bahay si Hesus at naupo sa baybayin ng lawa.

2Napakaraming tao ang nagtipon sa paligid niya, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon umupo upang magturo, habang ang mga tao namaʼy nasa dalampasigan.

3Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga o paghahalintulad. Sinabi niya, “May isang magsasakang naghasik ng binhi.

4Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at pinagtutuka ang mga binhing iyon.

5May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar, kung saan walang gaanong lupa. Mabilis na tumubo ang binhi dahil mababaw ang lupa.

6Ngunit natuyo rin ito nang masikatan ng araw, at namatay dahil hindi masyadong nag-ugat.

7May mga binhi namang nahulog sa may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at sinikil ang mga tumubong binhi.

8Ang iba namaʼy nahulog sa matabang lupa, lumago at namunga. May tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisang daan.

9Makinig ang sinumang may pandinig!”

10Nang makauwi na ang mga tao, lumapit kay Hesus ang mga alagad niya at nagtanong, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa pagtuturo sa mga tao?”

11Sumagot si Hesus, “Ipinagkaloob sa inyo na maunawaan ang mga hiwaga tungkol sa kaharian ng Langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa iba.

12Sapagkat ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng higit na pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang kaunti niyang naunawaan ay kukunin pa sa kanya.

13Kaya nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, dahil tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig o nakakaunawa.

14Sa kanila natupad ang sinabi noon ni Isaias:

‘Makinig man kayo nang makinig,

hindi kayo makakaunawa.

Tumingin man kayo nang tumingin,

hindi kayo makakakita.

15Sapagkat matigas ang puso ng mga taong ito.

Tinakpan nila ang kanilang mga tainga,

at ipinikit ang kanilang mga mata,

dahil baka makakita sila at makarinig,

at maunawaan nila kung ano ang tama,

at magbalik-loob sila sa akin,

at pagalingin ko sila.’

16Ngunit mapalad kayo, dahil nakakakita kayo at nakakaunawa.

17Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maraming propeta at matutuwid na tao noon ang naghangad na makita at marinig ang nakikita at naririnig ninyo ngayon, ngunit hindi ito nangyari sa kanilang panahon.

18“Pakinggan ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik:

19Kapag may taong nakarinig ng mensahe tungkol sa kaharian ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, darating si Satanas at tatangayin ang salita ng Diyos sa puso niya. Siya ang maihahalintulad sa tabi ng daan kung saan nahulog ang ilang binhi.[#13:19 Sa Griyego, ang masama . Ganito rin sa talata 38|MAT 13:19.]

20Gayundin naman, ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos at agad tinanggap nang may kagalakan ay maihahalintulad sa batuhan kung saan nahulog ang ibang binhi.

21Ngunit dahil hindi ito nag-ugat sa kanilang mga puso, hindi nagtatagal ang kanilang pananampalataya. Kaagad nila itong tinatalikuran pagdating ng pagsubok o pag-uusig dahil sa salita ng Diyos na kanilang tinanggap.

22Ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos ay maihahalintulad sa lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi. Ngunit dahil sa mga alalahanin dito sa mundo at sa paghahangad na yumaman, nakalimutan nila ang salita ng Diyos, kaya hindi namunga ang salita sa buhay nila.

23Ngunit ang mga taong nakarinig sa salita ng Diyos at nakakaunawa nito ang siyang maihahalintulad sa matabang lupang hinasikan ng binhi. Sila ang mga namumunga ng tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisang daan.”

Ang Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan

24Muling nagbigay ng talinghaga si Hesus sa kanila, “Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid.

25Ngunit kinagabihan, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng damo at umalis.

26Nang tumubo ang mga tanim at namunga, lumitaw din ang mga damo.

27“Kaya pumunta sa kanya ang kanyang mga utusan at sinabi, ‘Hindi po baʼt mabubuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Paano po ito nagkaroon ng mga damo?’

28“Sinabi ng may-ari, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Gusto po ba ninyong bunutin namin ang mga damo?’

29“Sumagot siya, ‘Huwag, baka mabunot din ninyo pati ang trigo.

30Hayaan na lang muna ninyong lumagong pareho hanggang sa anihan. Kapag dumating na ang panahong iyon, sasabihin ko sa mga tagapag-ani na unahin muna nilang bunutin ang mga damo, at bigkisin para sunugin. Pagkatapos, ipapaani ko sa kanila ang trigo at ipapaimbak sa aking bodega.’ ”

Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa at Pampaalsa

(Mar. 4:30‑32; Luc. 13:18‑19)

31Ikinuwento pa sa kanila ni Hesus ang paghahalintulad na ito: “Ang paghahari ng Langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid.

32Ito ang pinakamaliit sa lahat ng buto. Ngunit kapag tumubo at lumaki na, nagiging pinakamataas ito sa lahat ng mga tanim; nagiging punongkahoy, at pinamumugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”

Ang Paghahalintulad sa Pampaalsa

(Luc. 13:20‑21)

33Isa pang paghahalintulad ang ikinuwento ni Hesus: “Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa pampaalsang inihalo ng isang babae sa tatlong takal ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.”

34Gumamit si Hesus ng mga paghahalintulad o mga talinghaga sa lahat ng kanyang pangangaral sa mga tao. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi sa pamamagitan nito.

35Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang propeta:

“Magsasalita ako sa kanila

sa pamamagitan ng paghahalintulad.

Sasabihin ko sa kanila

ang mga bagay na nalilihim

mula pa nang likhain ang mundo.”

Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa mga Damo

36Pagkatapos, iniwan ni Hesus ang mga tao at bumalik sa loob ng bahay. Nilapitan siya ng mga alagad niya at sinabi, “Pakipaliwanag po sa amin ang talinghaga tungkol sa mga damo sa bukid.”

37Sumagot si Hesus, “Ang naghasik ng mabuting binhi ay walang iba kundi ang Anak ng Tao.

38Ang bukid ay ang mundo, at ang mabuting binhi ay ang mga kabilang sa kaharian ng Diyos. Ang mga damo naman ay ang mga taong sakop ni Satanas.

39Si Satanas ang kaaway na nagtanim sa kanila. Ang anihan ay ang katapusan ng mundo, at ang tagapag-ani ay ang mga anghel.

40“Kung paanong binubunot at sinusunog ang mga damo, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng mundo.

41Ang Anak ng Tao ay magpapadala ng mga anghel, at aalisin nila sa kanyang kaharian ang lahat ng gumagawa ng kasalanan at nagiging dahilan ng pagkakasala ng iba.

42Itatapon sila sa nagliliyab na apoy, kung saan silaʼy tatangis at magngangalit ang kanilang ngipin.[#13:42 : Maaaring dahil sa galit o hinagpis.]

43Ngunit ang matutuwid ay magniningning na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang sinumang may pandinig!

Ang Paghahalintulad sa Natatagong Kayamanan at Perlas

44“Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nang mahukay ito ng isang tao, itinago niya itong muli. At sa tuwa niyaʼy umuwi siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian, at binili niya ang bukid na iyon.

45“Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa isang negosyante na naghahanap ng magagandang perlas.

46Nang makatagpo siya ng isang mamahaling perlas, ipinagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.

Ang Paghahalintulad sa Lambat

47“Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad din sa isang lambat na inihagis ng mga mangingisda sa lawa at nakahuli ng sari-saring isda.

48Nang mapuno ang lambat, hinila nila ito papunta sa dalampasigan. Pagkatapos, naupo sila para pagbukud-bukurin ang mga isda. Ang mabubuting isda ay inilagay nila mga basket, at ang mga walang kuwenta ay itinapon nila.

49Ganyan din ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Darating ang mga anghel at ihihiwalay nila ang masasama sa matutuwid.

50Itatapon ang masasama sa nagliliyab na apoy, at dooʼy iiyak sila at magngangalit ang kanilang ngipin.”

51Pagkatapos, tinanong sila ni Hesus, “Naunawaan ba ninyong lahat ang sinabi ko?”

Sumagot sila, “Opo.”

52At sinabi ni Hesus sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na natuto tungkol sa kaharian ng Langit ay maihahalintulad sa isang may-ari ng bahay na inilalabas mula sa kanyang bodega ang mga kayamanang bago at luma.”[#13:52 Ang ibig sabihin, “hindi lang mga lumang aral ang itinuturo niya kundi mga bago rin.”]

Hindi Tinanggap si Hesus sa Nazaret

(Mar. 6:1‑16; Luc. 4:16‑30)

53Pagkatapos mangaral ni Hesus sa pamamagitan ng mga talinghaga ay umalis na siya.

54Pumunta siya sa sarili niyang bayan at nangaral doon sa kanilang sinagoga. Namangha sa kanya ang mga kababayan niya. Sinabi nila, “Saan kaya niya nakuha ang karunungang iyan at ang kapangyarihang gumawa ng himala?

55Hindi baʼt anak siya ng karpintero? Hindi baʼt si Maria ang kanyang ina at ang mga kapatid niya ay sina Santiago, Jose, Simon, at Judas?

56Hindi baʼt ang lahat ng kapatid niyang babae ay dito rin nakatira sa atin? Saan niya nakuha ang ganyang kakayahan?”

57At hindi nila siya pinaniwalaan.

Kaya sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang isang propeta ay iginagalang kahit saan, maliban lang sa sarili niyang bayan at pamilya.”

58Kaya hindi gumawa si Hesus ng maraming himala roon dahil sa kawalan nila ng pananampalataya sa kanya.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.