The chat will start when you send the first message.
1Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Hesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan sa isang mataas na bundok nang sila-sila lang.
2At habang nakatingin sila kay Hesus, nagbago ang kanyang anyo. Nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at ang damit niyaʼy naging puting-puti na parang liwanag.
3Biglang nagpakita sa kanila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Hesus.
4Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Panginoon, mabutiʼt narito tayo. Kung gusto nʼyo po, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.”
5Habang nagsasalita pa si Pedro, nabalot sila ng nakakasilaw na ulap. At may narinig silang tinig mula sa mga ulap na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!”
6Nang marinig iyon ng mga alagad, nagpatirapa sila sa takot.
7Ngunit nilapitan sila ni Hesus at hinawakan. Sinabi niya, “Tumayo kayo. Huwag kayong matakot.”
8Pagtingin nila, wala na silang ibang nakita kundi si Hesus na lang.
9Nang pababa na sila sa bundok, sinabihan sila ni Hesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang inyong nakita hanggaʼt ang Anak ng Tao ay hindi pa muling binubuhay.”
10Kaya tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Bakit sinasabi po ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan daw munang dumating si Elias bago dumating ang Mesias?”
11Sumagot si Hesus, “Totoo ʼyan, kailangan ngang dumating muna si Elias para ihanda ang lahat ng bagay.
12Ngunit sinasabi ko sa inyo: dumating na si Elias. Kaya lang hindi siya nakilala ng mga tao at ginawa nila ang gusto nilang gawin sa kanya. Ganyan din ang gagawin nila sa Anak ng Tao, pahihirapan din nila.”
13At naunawaan ng mga alagad niya na ang tinutukoy niyaʼy si Juan na Tagapagbautismo.
14Pagbalik nina Hesus sa kinaroroonan ng maraming tao, lumapit sa kanya ang isang lalaki, lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi,
15“Panginoon, maawa po kayo sa aking anak. May epilepsiya po siya at labis ang paghihirap niya kapag sinusumpong. Madalas siyang matumba sa apoy at madalas din siyang mahulog sa tubig.
16Dinala ko siya sa mga alagad nʼyo, ngunit hindi po nila mapagaling.”
17Sumagot si Hesus, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!”
18Sinaway ni Hesus ang masamáng espiritu at lumabas ito sa bata. At gumaling ang bata noon din.
19Nang sila-sila na lang, lumapit kay Hesus ang kanyang mga alagad at nagtanong, “Bakit hindi po namin mapalayas ang demonyo?”
20Sumagot si Hesus, “Dahil mahina ang pananampalataya ninyo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo na kahit kasinlaki lang ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at lilipat nga ito. Walang bagay na hindi ninyo magagawa. [
21Ngunit ang ganoong uri ng demonyo ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin at pag-ayuno.]”[#17:21 Wala ang talatang ito sa ilang manuskrito.]
22Habang nagtitipon sina Hesus at ang mga alagad niya sa Galilea, sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao.
23Papatayin siya, ngunit mabubuhay siyang muli sa ikatlong araw.” At labis itong ikinalungkot ng mga alagad ni Hesus.
24Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis at nagtanong, “Nagbabayad ba ng buwis para sa Templo ang inyong guro?”
25Sumagot si Pedro, “Oo, nagbabayad siya.”
Nang makabalik si Pedro sa tinutuluyan nila, tinanong siya ni Hesus, “Ano sa palagay mo, Pedro? Kanino nangongolekta ng mga buwis ang mga hari, sa mga anak nila o sa ibang tao?”
26Sumagot si Pedro, “Sa ibang tao po.”
Sinabi ni Hesus, “Kung ganoon, nangangahulugan na hindi kailangang magbayad ng buwis ang mga anak.
27Ngunit kung hindi tayo magbabayad, baka sumama ang loob nila sa atin. Kaya pumunta ka sa lawa at mamingwit. Ibuka mo ang bibig ng unang isdang mahuhuli mo at makikita mo roon ang perang sapat na pambayad sa buwis nating dalawa. Kunin mo ito at ibayad sa mga nangongolekta ng buwis para sa Templo.”