The chat will start when you send the first message.
1Pagkatapos nito, dinala ng Espiritu si Hesus sa ilang para tuksuhin ng diyablo.
2Doon ay nag-ayuno si Hesus nang apatnapung araw at apatnapung gabi, kaya nagutom siya.
3Dumating ang manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.”
4Ngunit sumagot si Hesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’”[#4:4 Deu. 8:3.]
5Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lungsod, at pinatayo sa pinakatuktok ng Templo.
6At sinabi niya kay Hesus, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan:
‘Uutusan ng Diyos ang kanyang mga anghel
na ingatan ka.
Bubuhatin ka nila
upang hindi tumama
ang iyong mga paa sa bato.’”
7Sinagot siya ni Hesus, “Sinasabi rin sa Kasulatan, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon na iyong Diyos.’”[#4:7 Deu. 6:16.]
8Muli, dinala ng diyablo si Hesus sa isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa kanya ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kadakilaan ng mga ito.
9At sinabi ng diyablo kay Hesus, “Ang lahat ng iyan ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaʼy magpapatirapa at sasamba sa akin.”
10Ngunit sumagot si Hesus, “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Sambahin mo ang Panginoon na iyong Diyos at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’”[#4:10 Deu. 6:13.]
11Pagkatapos nito, iniwan siya ng diyablo, Dumating ang mga anghel ng Diyos at inalagaan siya.
12Nang mabalitaan ni Hesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea.
13Ngunit hindi na siya nanirahan sa Nazaret kundi sa Capernaum, isang bayan sa baybayin ng Lawa ng Galilea at sakop ng Zebulun at Neftali.
14Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ni Propeta Isaias:
15“Ang mga lupain ng Zebulun at Neftali,
sa baybayin ng lawa,
sa kabila ng Ilog Jordan,
Galilea ng mga Hentil,
16ang mga taong nabubuhay sa kadiliman
ay nakakita ng matinding kaliwanagan.
At kahit silaʼy nananahan
sa lilim ng kamatayan,
sila ay maliliwanagan.”
17Mula nooʼy nagsimulang mangaral si Hesus, “Magsisi kayo sa inyong mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos, dahil malapit nang dumating ang kaharian ng Langit.”
18Habang naglalakad si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na sina Simon (na tinatawag ding Pedro) at Andres. Naghahagis sila ng lambat sa lawa sapagkat silaʼy mga mangingisda.
19Sinabi niya sa kanila, “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.”
20Kaagad nilang iniwan ang mga lambat nila at sumunod sa kanya.
21At habang patuloy siyang naglalakad, nakita naman niya ang magkapatid na sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ang kanilang ama at nag-aayos ng kanilang lambat. Tinawag din niya ang magkapatid.
22Agad nilang iniwan ang kanilang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Hesus.
23Nilibot ni Hesus ang buong Galilea habang nagtuturo sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos. At pinagaling din niya ang lahat ng uri ng sakit at kapansanan ng mga tao.
24Naging tanyag siya sa buong lalawigan ng Siria, at dinala sa kanya ang lahat ng maysakit, at mga nagdurusa dahil sa matinding karamdaman: ang mga sinasapian ng demonyo, ang mga may epilepsiya at ang mga paralitiko. At pinagaling niya silang lahat.
25Sinundan siya ng napakaraming tao mula sa Galilea, sa Decapolis, sa Jerusalem, at sa lahat ng bayan ng Judea, at sa mga lugar sa kabila ng Ilog Jordan.