Marcos 10

Ang Turo ni Hesus tungkol sa Diborsiyo

(Mat. 19:1‑12; Luc. 16:18)

1Umalis si Hesus sa Capernaum at pumunta sa lalawigan ng Judea, at saka tumawid sa Ilog Jordan. Pinuntahan siya roon ng maraming tao, at tulad ng kanyang nakagawian ay nangaral siya sa kanila.

2Samantala, may mga Pariseong pumunta sa kanya at nagtanong para subukin siya. Sinabi nila, “Ipinapahintulot ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?”

3Tinanong din sila ni Hesus, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?”

4Sumagot ang mga Pariseo, “Ipinahintulot ni Moises na gumawa ang isang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at pagkatapos ay puwede na niyang hiwalayan ang kanyang asawa.”[#10:4 Deu. 24:1.]

5Sinabi sa kanila ni Hesus, “Ibinigay ni Moises sa inyo ang kautusang iyan dahil sa katigasan ng ulo ninyo.

6Ngunit sa simula pa, nang likhain ng Diyos ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae.’[#10:6 Gen. 1:27; 5:2.]

7‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina, at magsasama sila ng kanyang asawa.

8At silang dalawa ay magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi isa na lang.[#10:8 Gen. 2:24.]

9Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Diyos.”

10Pagbalik nila sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol dito.

11Sinabi niya sa kanila, “Kung hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at nag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang unang asawa.

12At kung hiniwalayan ng isang babae ang kanyang asawa at nag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”

Pinagpala ni Hesus ang Maliliit na Bata

(Mat. 19:13‑15; Luc. 18:15‑17)

13May mga taong nagdala ng kanilang maliliit na anak kay Hesus para patungan niya ng kamay at pagpalain. Ngunit pinagbawalan sila ng mga alagad.

14Nang makita ni Hesus ang nangyari, nagalit siya at sinabi sa mga alagad niya, “Hayaan nʼyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag nʼyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos.

15Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi makakapasok sa kaharian ng Diyos.”

16Pagkatapos nitoʼy kinalong niya ang mga bata, ipinatong ang kanyang kamay sa kanila at pinagpala.

Ang Lalaking Mayaman at ang Kaharian ng Diyos

(Mat. 19:16‑30; Luc. 18:18‑30)

17Nang paalis na si Hesus, isang lalaki ang patakbong lumapit sa kanya at lumuhod. Nagtanong ang lalaki, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan?”

18Sumagot si Hesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Diyos lang ang mabuti, wala nang iba!

19Alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi nang kasinungalingan, huwag kang mandadaya, at igalang mo ang iyong mga magulang.’ ”[#10:19 Exo. 20:12‑16; Deu. 5:20.]

20Sumagot ang lalaki, “Guro, sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.”

21Tiningnan siya ni Hesus nang may pagmamahal at sinabi, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang mga ari-arian mo, at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.”

22Nanlumo ang lalaki nang marinig ito. At umalis siyang malungkot, sapagkat napakayaman niya.

23Tumingin si Hesus sa paligid at sinabi sa mga alagad niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos.”

24Nagtaka sila sa sinabi ni Hesus, kaya sinabi niyang muli, “Mga anak, napakahirap talagang makapasok sa kaharian ng Diyos.[#10:24 Sa ilang manuskrito, may dagdag na para sa mga nagtitiwala sa kayamanan.]

25Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa makapasok ang isang mayaman sa kaharian ng Diyos.”

26Lalong nagtaka ang mga alagad niya, kaya nagtanong sila, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?”

27Tiningnan sila ni Hesus at sinabi, “Imposible ito sa tao ngunit hindi sa Diyos, sapagkat ang lahat ay posible sa Diyos.”

28Sinabi sa kanya ni Pedro, “Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.”

29Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang lahat ng nag-iwan ng bahay, mga kapatid, mga magulang, mga anak, o mga lupa dahil sa akin at sa Magandang Balita

30ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan: mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, mga lupa, pati mga pag-uusig. At tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon.

31Maraming dakila ngayon ang magiging hamak, at maraming hamak ngayon ang magiging dakila.”

Ipinahayag Muli ni Hesus ang Kanyang Kamatayan

(Mat. 20:17‑19; Luc. 18:31‑34)

32Habang naglalakad sila papuntang Jerusalem, nauna sa kanila si Hesus. Kinakabahan ang mga alagad niya at natatakot naman ang iba pang sumusunod sa kanila. Ibinukod ni Hesus ang labindalawang alagad at muli niyang sinabi kung ano ang mangyayari sa kanya,

33“Makinig kayo! Papunta na tayo sa Jerusalem, at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila siya ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil.

34Iinsultuhin nila siya, duduraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit muli siyang mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw.”

Ang Kahilingan nina Santiago at Juan

(Mat. 20:20‑28)

35Lumapit kay Hesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at nagsabi, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.”

36“Ano ang kahilingan ninyo?” tanong ni Hesus.

37Sumagot sila, “Sana po, kapag naghahari na kayo ay paupuin nʼyo kami sa inyong tabi; isa sa kanan at isa sa kaliwa.”

38Ngunit sinabi ni Hesus sa kanila, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong inumin ang nasa kopang iinuman ko? Makakaya ba ninyong mabautismuhan sa bautismong daranasin ko?”[#10:38 O Makakaya ba ninyong tiisin ang hirap na aking daranasin?]

39Sumagot sila, “Opo, kaya namin.”

Sinabi ni Hesus, “Iinom nga kayo sa kopang iinuman ko, at babautismuhan kayo sa bautismong tatanggapin ko.

40Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o kaliwa ko. Ang mga itoʼy para sa mga taong pinaglaanan nito.”

41Nang malaman ng sampung alagad kung ano ang hiningi nina Santiago at Juan, nagalit sila sa kanila.

42Kaya tinawag silang lahat ni Hesus at sinabi, “Alam nʼyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit ano ang gustuhin nila ay nasusunod.

43Ngunit hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo.

44At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat.

45Sapagkat kahit ang Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay upang tubusin ang maraming tao!”

Pinagaling ni Hesus ang Bulag na si Bartimeo

(Mat. 20:29‑34; Luc. 18:35‑43)

46Dumating sina Hesus sa Jerico. At nang paalis na siya roon kasama ang mga alagad niya, sumunod sa kanila ang napakaraming tao. Sa tabi ng daan, may isang bulag na nakaupo at namamalimos. Siyaʼy si Bartimeo (na ang ibig sabihin ay “anak ni Timeo”).

47Nang marinig niyang dumadaan si Hesus na taga-Nazaret, sumigaw siya, “Hesus, Anak ni David, maawa po kayo sa akin!”[#10:47 : Ito ang tawag ng mga Hudyo sa Mesias o Kristo dahil sa paniniwalang galing siya sa angkan ni David. Ganito rin sa ibang bahagi ng Bibliya kung saan ginamit ang katagang ito.]

48Pinagsabihan siya ng maraming tao na tumahimik, ngunit lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!”

49Tumigil si Hesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.”

Kaya tinawag nila si Bartimeo at sinabi, “Lakasan mo ang loob mo. Tumayo ka, dahil ipinapatawag ka ni Hesus.”

50Inihagis ni Bartimeo ang balabal niya at dali-daling tumayo at lumapit kay Hesus.

51Tinanong siya ni Hesus, “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?”

Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakita.”

52Sinabi ni Hesus sa kanya, “Umuwi ka na; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Hesus sa daan.[#10:52 : O iniligtas.]

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.