The chat will start when you send the first message.
1Nang malapit na sina Hesus sa Jerusalem, tumigil sila sa Bundok ng mga Olibo malapit sa mga nayon ng Betfage at Betania. Pinauna ni Hesus ang dalawa niyang alagad.
2Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok nʼyo roon, makikita ninyo ang isang bisirong asno na nakatali. Hindi pa ito nasasakyan ng kahit sino. Kalagan ninyo at dalhin dito.
3Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalagan ang asno, sabihin ninyo, ‘Kailangan ng Panginoon at ibabalik din agad.’ ”
4Kaya lumakad ang dalawa, at nakita nga nila ang asno sa tabi ng daan, na nakatali sa pintuan ng isang bahay. Habang kinakalagan nila ang asno,
5tinanong sila ng mga taong nakatayo roon, “Ano ang ginagawa ninyo? Bakit ninyo kinakalagan ang asnong ʼyan?”
6Sinabi nila ang ipinasasabi ni Hesus, kaya pinabayaan na silang umalis.
7Dinala nila ang asno kay Hesus. Sinapinan nila ng kanilang mga balabal ang likod ng asno at sinakyan ito ni Hesus.
8Maraming tao ang naglatag ng mga balabal nila sa daan, at ang iba naman ay naglatag ng mga madahong sanga na pinutol nila sa parang.
9Ang mga nauuna kay Hesus at ang mga sumusunod sa kanya ay sumisigaw,
“Papuri sa Diyos!”
“Pinagpala ang dumarating
sa ngalan ng Panginoon!”
10“Pinagpala ang dumarating na kaharian
ng ninuno nating si David!”
“Papuri sa Diyos sa Kaitaasan!”
11Pagdating ni Hesus sa Jerusalem ay pumunta siya sa patyo ng Templo. Pinagmasdan niyang mabuti ang lahat ng bagay doon. At dahil gumagabi na, pumunta siya sa Betania kasama ang labindalawang alagad niya.
12Kinabukasan, nang pabalik na sila sa Jerusalem mula sa Betania, nagutom si Hesus.
13May nakita siyang isang madahong puno ng igos sa di-kalayuan. Kaya nilapitan niya ito at tiningnan kung may bunga. Ngunit wala siyang nakita kundi mga dahon lang, dahil hindi pa panahon ng pamumunga ng mga igos noon.
14Sinabi ni Hesus sa puno, “Mula ngayon, wala nang makakakain ng bunga mo.” At narinig iyon ng mga alagad niya.
15Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok si Hesus sa patyo ng Templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga lamesa ng mga tagapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.
16Pinagbawalan niya ang mga taong may paninda na dumaan sa patyo ng Templo.
17Pagkatapos, pinangaralan niya ang mga tao roon. Sinabi niya, “Hindi baʼt sinasabi ng Diyos sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan ng lahat ng bansa?’ Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga tulisan.”[#11:17 Isa. 56:7.; #11:17 Jer. 7:11.]
18Nabalitaan ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan ang ginawa ni Hesus. Kaya humanap sila ng paraan upang mapatay siya. Ngunit natatakot sila sa kanya dahil hangang-hanga ang mga tao sa kanyang mga turo.
19Kinagabihan, umalis si Hesus sa Jerusalem kasama ang mga alagad niya.
20Kinaumagahan, nang pabalik na silang muli sa Jerusalem, nadaanan nila ang puno ng igos at nakita nilang tuyong-tuyo na ito hanggang sa ugat.
21Naalala ni Pedro ang nangyari. Kaya sinabi niya, “Guro, tingnan nʼyo po ang puno ng igos na isinumpa ninyo. Natuyo na!”
22Sinabi ni Hesus sa kanila, “Sumampalataya kayo sa Diyos!
23Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka sa dagat!’ At kung hindi kayo nag-aalinlangan, at sa halip ay nananampalataya na mangyayari iyon, mangyayari nga ang sinabi ninyo.
24Kaya tandaan ninyo: Anuman ang hilingin ninyo sa Diyos sa panalangin, manampalataya kayong natanggap na ninyo ito, at matatanggap nga ninyo.
25At kapag nananalangin kayo, patawarin nʼyo muna ang mga nagkasala sa inyo upang ang mga kasalanan ninyo ay patawarin din ng inyong Amang nasa langit. [
26Sapagkat kung ayaw ninyong magpatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Amang nasa langit.]”[#11:26 Wala ang talatang ito sa ilang manuskrito.]
27Pagdating nila sa Jerusalem, bumalik si Hesus sa Templo. At habang naglalakad siya roon, lumapit sa kanya ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng mga Hudyo.
28Tinanong nila si Hesus, “Ano ang awtoridad mo na gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?”[#11:28 : Maaaring ang kanyang pagtuturo o ang pagtataboy niya sa mga nagtitinda sa Templo.]
29Sinagot sila ni Hesus, “Tatanungin ko rin kayo. At kapag sinagot ninyo, sasabihin ko kung ano ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.
30Kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa langit o sa tao? Sagutin ninyo ako!”
31Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’
32Ngunit alangan namang sabihin nating mula sa tao?” (Takot sila sa gagawin ng mga tao dahil naniniwala ang mga tao na si Juan ay propeta ng Diyos.)
33Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.”
Sinabi ni Hesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”