Marcos 4

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik

(Mat. 13:1‑9; Luc. 8:4‑8)

1Muling nagturo si Hesus sa tabi ng lawa ng Galilea. Pinalibutan siya ng maraming tao, kaya sumakay siya ng bangka at umupo roon, habang nasa dalampasigan ang mga tao.

2Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya,

3“Makinig kayo! May isang magsasakang naghasik ng binhi.

4Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at pinagtutuka ang mga binhing iyon.

5May mga binhi namang nahulog sa batuhan, kung saan walang gaanong lupa. Mabilis na tumubo ang mga binhi dahil mababaw ang lupa.

6Ngunit nalanta rin ang mga ito nang masikatan ng araw at namatay dahil hindi masyadong nag-ugat.

7May mga binhi namang nahulog sa may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at sinikil nito ang mga tumubong binhi kaya hindi namunga.

8Ngunit ang iba namaʼy nahulog sa matabang lupa. Tumubo at lumago ang mga ito, at namunga nang marami. May tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisang daan.”

9Pagkatapos, sinabi ni Hesus, “Makinig ang sinumang may pandinig!”

10Pagkaalis ng mga tao, tinanong siya ng labindalawang alagad at ng iba pang mga alagad niya kung ano ang kahulugan ng talinghagang iyon.

11Sinabi niya sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo na maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba ay ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga,

12nang sa gayon,

‘Makita man nilaʼy hindi pa rin nila maiintindihan

Marinig man nilaʼy hindi pa rin nila mauunawaan.

Sapagkat kung makakaunawa sila,

magbabalik-loob sila sa akin

at silaʼy aking patatawarin.’”

13Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa kanila, “Kung hindi ninyo nauunawaan ang talinghagang ito, paano ninyo mauunawaan ang iba pang mga talinghaga?

14Ang binhing inihasik ng magsasaka ay ang salita ng Diyos.

15Ang tabi ng daan kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos. Ngunit dumating agad si Satanas at tinangay ang salita ng Diyos na narinig nila.

16Gayundin ang batuhan kung saan nahulog ang ibang binhi. Sila ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos at kaagad itong tinanggap nang may kagalakan.

17Ngunit dahil hindi ito nag-ugat sa kanilang mga puso, hindi nagtatagal ang kanilang pananampalataya. Kaagad nila itong tinatalikuran pagdating ng mga pagsubok o pag-uusig dahil sa salita ng Diyos.

18Ang lupang may matitinik na damo kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos,

19ngunit dahil sa mga alalahanin sa buhay, pagkasilaw sa kayamanan, at pagkahumaling sa iba pang mga bagay, nawawalan ng puwang ang salita ng Diyos, kaya hindi ito nakakapamunga sa kanilang buhay.

20Ngunit ang matabang lupa kung saan nahulog ang mga binhi ay ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos at tumanggap nito, kaya silaʼy namumunga ng marami; may tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisang daan.”

Ang Talinghaga tungkol sa Ilaw

(Luc. 8:16‑18)

21Sinabi pa ni Hesus sa kanila, “Sinisindihan ba ang ilaw para takpan ng takalan o ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi baʼt inilalagay ito sa patungan?

22Ganoon din naman, walang nakatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag.

23Makinig ang sinumang may pandinig!”

24“Makinig kayong mabuti sa sinasabi ko,” dagdag pa niya. “Dahil kung paano kayo makinig, gayundin ang pang-unawang ibibigay ng Diyos sa inyo, at dadagdagan pa niya ito.[#4:24 Sa literal, Ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring panukat na gagamitin sa inyo.]

25Sapagkat ang taong nakikinig nang mabuti ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi nakikinig, kahit ang kaunti niyang naunawaan ay kukunin pa sa kanya.”

Ang Talinghaga tungkol sa Binhing Tumutubo

26Sinabi pa ni Hesus, “Ang paghahari ng Diyos ay maihahalintulad dito: May isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid.

27Habang nagtatrabaho siya sa araw at natutulog sa gabi, ang mga binhing inihasik niya ay tumutubo at lumalago, ngunit hindi niya alam kung paano ito nangyayari.

28Ang lupa mismo ang nagpapatubo at nagpapabunga sa pananim; lilitaw muna ang usbong, tutubo ang tangkay, at pagkatapos ay mahihitik ng butil ang uhay.

29At kapag hinog na ang butil, gagapasin na ito, dahil panahon na ng pag-aani.”

Ang Talinghaga tungkol sa Buto ng Mustasa

(Mat. 13:31‑32, 34; Luc. 13:18‑19)

30Sinabi pa ni Hesus, “Saan maihahalintulad ang paghahari ng Diyos? Ano pang talinghaga ang makapagpapaliwanag nito?

31Ito ay katulad ng buto ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng mga buto.

32Ngunit kapag naitanim na at tumubo, nagiging pinakamataas ito sa lahat ng tanim, at nakakapamugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”

33Marami pang mga talinghaga na gaya ng mga ito ang ginamit ni Hesus sa pangangaral niya sa mga tao, ayon sa abot ng kanilang pang-unawa.

34Hindi siya nangangaral sa mga tao nang hindi gumagamit ng talinghaga, pero kapag sila-sila na lang ng kanyang mga alagad, ipinapaliwanag niya lahat sa kanila.

Pinatigil ni Hesus ang Malakas na Bagyo

(Mat. 8:23‑27; Luc. 8:22‑25)

35Kinagabihan, sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.”

36Kaya iniwan nila ang mga tao at naglayag sakay ng bangkang sinakyan ni Hesus. May mga bangka ring sumunod sa kanila.

37Habang naglalayag sila, biglang bumagyo nang napakalakas. Hinampas ng malalaking alon ang bangka nila at halos mapuno na ito ng tubig.

38Si Hesus ay nasa hulihan ng bangka at natutulog nang nakaunan. Ginising siya ng mga alagad niya at sinabi sa kanya, “Guro, malulunod na tayo! Balewala lang ba ito sa inyo?”

39Kaya bumangon siya at inutusan ang hangin, “Tigil!” at sinabihan ang lawa, “Kumalma ka!” Tumigil nga ang hangin at kumalma ang mga alon.

40Tinanong niya ang mga alagad niya, “Bakit kayo natatakot? Wala pa rin ba kayong pananampalataya sa akin?”

41Takot na takot silang nag-usap-usap, “Sino ang taong ito? Kahit ang hangin at mga alon ay sumusunod sa kanya!”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.