Marcos 7

Ang mga Nakapagpaparumi sa Tao

(Mat. 15:1‑9)

1Isang araw, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na dumating mula sa Jerusalem at nagtipon sa paligid ni Hesus.

2Nakita nila na ang ilan sa mga alagad ni Hesus ay kumakain nang marumi ang mga kamay dahil hindi sila naghugas sa tamang paraan bago kumain.

3(Ang mga Hudyo, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hanggaʼt hindi nakakapaghugas ng kamay alinsunod sa kaugalian ng kanilang mga ninuno.

4Hindi rin sila kumakain pagkagaling nila sa palengke hanggaʼt hindi nila nagagawa ang seremonya ng paghuhugas. Marami pa silang mga kaugalian tulad ng paghuhugas ng mga kopa, pitsel at lutuang tanso.)[#7:4 : Hinuhugasan ang bagay na nabili o naghuhugas ng kamay ang taong bumili.; #7:4 Sa ilang manuskrito, may dagdag na mga higaan.]

5Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi namumuhay ayon sa kaugalian ng ating mga ninuno ang iyong mga alagad? Sa halip, kumakain silang marumi ang mga kamay.”

6Sinagot sila ni Hesus, “Mga pakitang-tao! Tama nga ang sinabi ni Propeta Isaias tungkol sa inyo nang sinulat niya:

‘Sa labi lamang ako iginagalang ng mga taong ito,

sapagkaʼt malayo sa akin ang kanilang mga puso.

7Ang pagsamba nila sa akiʼy walang kabuluhan;

pawang tuntunin ng tao ang kanilang katuruan.’

8Ang mga utos ng Diyos ay inyong tinalikuran, at ang mga kaugalian ng tao ang inyong sinundan.”

9Sinabi pa niya, “Ang huhusay ninyong magpawalang-bisa ng mga utos ng Diyos para masunod ang sarili ninyong kaugalian.

10Katulad na lang ng sinabi ni Moises, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’ at ‘Ang lumalapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’[#7:10 Exo. 20:12; Deu. 5:16.; #7:10 Exo. 21:17; Lev. 20:9.]

11Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang anak sa mga magulang niya na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay Korban (ang ibig sabihin, nakalaan na sa Diyos),

12hindi na siya obligadong tumulong pa sa kanila.

13Pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga kaugaliang ginawa nʼyo at ipinamana sa iba. At marami pa kayong ginagawang tulad nito.”

14Muling tinawag ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko.

15Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya, kundi ang mga lumalabas dito. [

16Makinig ang sinumang may pandinig!]”[#7:16 Wala ang talatang ito sa ilang manuskrito.]

17Pagkatapos, pumasok si Hesus at ang kanyang mga alagad sa isang bahay upang makaiwas sa mga tao. Tinanong siya ng mga alagad niya kung ano ang ibig sabihin ng talinghagang iyon.

18Sinabi ni Hesus sa kanila, “Hindi rin ba kayo nakakaintindi? Hindi ba ninyo alam na hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya?

19Sapagkat anuman ang kainin niya ay hindi naman sa puso pumupunta kundi sa kanyang tiyan, at idudumi niya rin iyon.” (Sa sinabi niyang ito, ipinahayag niya na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin.)

20Sinabi pa ni Hesus, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya.

21Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masamang pag-iisip na nagtutulak sa kanyang gumawa ng seksuwal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay,

22pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira sa kapwa, pagmamayabang, at kahangalan.

23Ang lahat ng kasamaang ito ay nanggagaling sa puso ng tao, at nagpaparumi sa kanya.”

Ang Pananampalataya ng Isang Babaeng Hentil

(Mat. 15:21‑28)

24Umalis si Hesus doon at nagtungo sa isang lugar malapit sa Tiro [at Sidon]. Tumuloy siya sa isang bahay dahil ayaw niyang malaman ng mga tao na naroon siya, ngunit nalaman pa rin nila.[#7:24 : Wala ito sa ilang mga manuskrito.]

25Sa katunayan, nang marinig ito ng isang ina na may anak na babaeng sinasaniban ng masamáng espiritu, agad siyang pumunta at nagpatirapa sa paanan ni Hesus.

26Siya ay isang Hentil na taga-Sirofenicia. Nagmakaawa siyang palayasin ni Hesus ang demonyo sa kanyang anak.

27Ngunit sumagot si Hesus, at sinabi, “Dapat munang pakainin ang mga anak, dahil hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.”

28Sumagot ang babae, “Tama po kayo, Panginoon, ngunit maging ang mga aso sa ilalim ng mesa ay kumakain ng mga mumo na nahuhulog ng mga bata.”

29Kaya sinabi ni Hesus sa kanya, “Dahil sa sinabi mong iyan, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.”

30Umuwi nga ang babae at nadatnan ang anak niya sa higaan, at wala na ang sumaping demonyo.

Pinagaling ni Hesus ang Lalaking Pipi at Bingi

31Umalis si Hesus sa lupain ng Tiro, at dumaan sa Sidon. Nagtuloy siya sa lawa ng Galilea, at tinahak niya ang lupain ng Decapolis.

32Dinala ng mga tao kay Hesus ang isang lalaking pipi at bingi. Nakiusap sila na ipatong niya ang kanyang mga kamay sa lalaki upang gumaling ito.

33Inilayo muna ni Hesus ang lalaki sa mga tao. Nang sila na lang, ipinasok niya ang kanyang mga daliri sa mga tainga ng lalaki, at pagkatapos ay dumura siya at hinipo ang dila ng lalaki.

34Tumingala si Hesus sa langit, nagbuntong-hininga, at sinabi sa lalaki, “Effata!” (na ang ibig sabihin ay “Mabuksan ka!”)

35Agad na nakarinig ang lalaki at nakapagsalita nang maayos.

36Binilinan naman ni Hesus ang mga tao na huwag ipamalita ang nangyari. Ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nila itong ipinamamalita.

37Labis na namangha ang mga tao, at sinabi nila, “Napakahusay ng lahat ng ginawa niya! Kahit ang mga pipi ay nakakapagsalita at ang mga bingi ay nakakarinig.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.