The chat will start when you send the first message.
1Mga taga-Nineve, sinasalakay na kayo
ng inyong mga kalaban
na magkakalat sa inyo.
Kaya guwardiyahan ninyo ang pader
ng inyong lungsod
at bantayan ang mga daan.
Tipunin ninyo ang inyong mga sundalo
at humanda kayo sa digmaan.
2Kahit na nilipol ninyo ang Israel at Juda[#2:2 : Sa Hebreo, Jacob at Israel.]
na parang mga tanim na ubas na pinatay,
ibabalik ng Panginoon
ang kanilang kapangyarihan.
3Pula ang kalasag at damit
ng mga sundalo ng inyong kalaban.
At sa oras ng kanilang pagsalakay
kumikislap ang metal
ng kanilang mga karwahe
at nagtatatakbo ang kanilang mga kabayo.
4Humahagibis ang kanilang mga karwahe
sa mga lansangan,
parooʼt parito na sumusugod
sa mga liwasan.
Nagliliwanag ang mga ito
na parang sulo,
at kumikislap na parang kidlat.
5Inuutusan ng hari
ang mga opisyal ng mga kawal.
Nagkakandarapa sila papunta
sa mga pader
upang maglagay ng mga pananggalang
para sa mga sundalong wawasak ng pader.
6Ang tarangkahan ng mga ilog
ay mabubuksan,
at ang palasyo ay guguho.
7Naipahayag na, na bibihagin kayo[#2:7 : Sa literal, huhubaran kayo.]
at dadalhin sa ibang bayan.
Uungol ang inyong mga utusang babae
na parang kalapati
habang dinadagukan nila
ang kanilang dibdib dahil sa kalungkutan.
8Ang mga taong tumatakas mula sa Nineve
ay parang tubig na umagos
mula sa nawasak na imbakan ng tubig.
Ang mga tumatakas ay pinapabalik
ng kanilang mga kasama
ngunit wala ni isa mang bumalik.
9Samsamin ninyo ang pilak!
Samsamin ninyo ang ginto!
Hindi mauubos ang kayamanan ng Nineve,
hindi mabibilang ang mamahaling bagay nila.
10Malilipol, mawawasak
at magiging mapanglaw na ang Nineve!
Kaya natatakot ang mga mamamayan nito,
nanghihina ang buong katawan nila,
nanginginig ang kanilang mga tuhod,
at namumutla silang lahat.
11Ang Nineve ay parang yungib
na tinitirhan ng mag-asawang leon
at ng mga anak nito.
Walang puwedeng manakit
sa kanila sa yungib.
12Pinapatay at nilalapa ng lalaking leon
ang kanyang biktima
at ibinibigay sa kanyang asawa
at mga anak.
Pinupuno niya ang kanyang yungib
ng karne ng kanyang mga biktima.
Ngunit ngayon, ang Nineve ay wawasakin na.
13Sapagkat sinasabi
ng Panginoon ng mga Hukbo,
“Makinig kayong mga taga-Nineve!
Kalaban ko kayo!
Kaya susunugin ko
ang inyong mga karwahe
at mamamatay sa digmaan
ang inyong mga kawal.
Wawakasan ko na
ang inyong pambibiktima sa lupain.
Hindi na kayo makapagpapadala
ng mga mensahero sa ibang bansa.”