Nehemias 6

Ang Patuloy na Paghadlang ng Pagpapatayo ng Pader

1Samantala, nabalitaan nina Sanbalat, Tobias, Gesem na taga-Arabia, at ng iba pa naming mga kalaban na natapos na namin ang pagpapatayo ng pader at wala na itong mga butas, maliban na lamang sa mga pinto nito na hindi pa naikakabit.

2Kaya nagpadala sina Sanbalat at Gesem ng ganitong mensahe sa akin: “Gusto naming makipagkita sa iyo sa isang nayon ng kapatagan ng Ono.”

Ngunit nalaman ko na may balak silang masama sa akin.

3Kaya nagsugo ako ng mga mensahero para sabihin ito sa kanila, “Mahalaga ang ginagawa ko ngayon, kaya hindi ako makakapunta riyan. Hindi ko maaaring itigil ang paggawa para lang pumunta riyan.”

4Apat na beses nila akong pinadalhan ng ganoong mensahe at apat na beses ko rin silang pinadalhan ng parehong sagot.

5Sa panglimang beses pinapunta ni Sanbalat sa akin ang alipin niya na may dalang sulat na nakabukas na.

6At ito ang nakasulat:

8Ito ang sagot ko sa kanya: “Hindi totoo ang mga sinasabi mo. Gawa-gawa mo lang iyan.”

9Alam kong tinatakot lang nila kami upang mahinto ang paggawa namin.

Ngunit nanalangin ako sa Diyos na palakasin pa niya ako.

10Isang araw, pumunta ako kay Semaias na anak ni Delaias at apo ni Mehetabel, dahil hindi siya makaalis sa bahay niya. Sinabi niya sa akin, “Magkita tayo sa loob ng bahay ng Diyos, at ikandado natin ang mga pintuan. Dahil darating ang mga kalaban mo ngayong gabi upang patayin ka.”

11Ngunit sumagot ako, “Gobernador ako, bakit ako lalayo at magtatago sa loob ng Templo upang iligtas ang buhay ko? Hindi ako magtatago!”

12Naisip kong hindi nangusap ang Diyos sa kanya, kundi inupahan lamang siya nina Sanbalat at Tobias para sabihin iyon sa akin.

13Gusto lamang nila akong takutin at magkasala sa pamamagitan ng pagsunod sa sinasabi ni Semaias, upang hamakin nila ako at pintasan ng mga tao.

14O aking Diyos, huwag nʼyo pong kalimutan si Tobias at si Sanbalat sa kanilang mga masamang ginawa, pati na ang babaeng propeta na si Noadias at ang iba pang mga propeta na naghangad na takutin ako.

15Natapos ang pader noong ikadalawampuʼt limang araw ng buwan ng Elul, sa loob ng limampuʼt dalawang araw.

Paghadlang sa Natapos na Pader

16Nang mabalitaan ito ng aming mga kalaban sa kalapit na mga bansa, natakot sila at napahiya. Napag-isip-isip nila na natapos ang gawaing iyon sa pamamagitan ng tulong ng Diyos.

17Nang panahong iyon, nagsusulatan sina Tobias at ang mga pinuno ng Juda.

18Maraming taga-Juda ang sumumpa ng katapatan kay Tobias dahil manugang siya ni Secanias na anak ni Ara. At isa pa, napangasawa ng anak niyang si Jehohanan ang anak ni Mesulam na anak ni Berequias.

19Palaging sinasabi sa akin ng mga tao ang tungkol sa mabubuting ginawa ni Tobias, at palagi ring nakakarating sa kanya ang mga sinasabi ko. At patuloy na sumusulat si Tobias sa akin upang takutin ako.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.