Salmo 10

Salmo 10

1Panginoon , bakit napakalayo nʼyo?

Bakit kayo nagtatago

sa mga oras ng gulo?

2Ang dukhaʼy pinahihirapan

ng masasama at mayayabang.

Nawaʼy sa kanila mangyari

ang masasamang plano nila.

3Ipinagmamalaki nila ang masasamang kagustuhan

ng kanilang puso.

Pinupuri nila ang mga sakim,

ngunit kinukutya ang Panginoon .

4Dahil sa kahambugan ng mga taong masama,

ang Diyos ay kanilang binabalewala,

at wala siyang puwang sa pusoʼt isip nila.

5Ang kanilang pamumuhay

ay laging matagumpay,

walang pag-aalala na silaʼy hahatulan.

Hinahamak nila ang lahat nilang kaaway.

6Akala nilaʼy walang mangyayaring masama sa kanila

at wala silang magiging problema.

7Silaʼy lapastangan kapag nagsasalita,

mga sinungaling at mapagbanta,

at sila rin ang sumasambit

ng mga salitang masasama at masasakit.

8Sa mga nayon silaʼy nagtatago;

nag-aabang ng mga inosente

na kanilang papatayin.

9Para silang leon na nakakubli at nag-aabang,

para sakmalin at kaladkarin ang mahihirap.

10Dahil malakas sila, ibinabagsak nila

ang mga kawawa,

hanggang sa hindi na makabangon pa.

11Ang akala nilaʼy hindi sila

pinapansin ng Diyos

at hindi niya nakikita

ang kanilang mga ginagawa.

12Parusahan nʼyo na po, Panginoong Diyos,

ang taong masama.

Huwag nʼyo pong pabayaan

ang mga inaapi.

13Bakit nilalait ng taong masama ang Diyos?

Sinasabi pa niya, “Hindi tayo parurusahan ng Diyos.”

14Ngunit nakikita nʼyo, O Diyos,

ang mga taong nagdurusa at naghihirap.

Lumalapit sa inyo ang mga kaawa-awa

tulad ng mga naulila,

at nakahanda kayong tumulong sa kanila.

15Tanggalan nʼyo ng lakas

ang mga taong masama,

at parusahan sila hanggang silaʼy tumigil na

sa kanilang kasamaan.

16Ang Panginoon , ay Hari magpakailanman!

Ngunit ang mga bansang hindi kumikilala sa kanya

ay palalayasin sa bayan niya.

17Panginoon , naririnig ninyo ang dalangin ng mga mahihirap.

Pinapakinggan ninyo sila at pinalalakas.

18Ipinagtatanggol ninyo ang mga ulila at mga api,

upang wala nang mga taong

mananakot ng kapwa,

sapagkat silaʼy tao rin lang.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.