The chat will start when you send the first message.
1O Diyos, lubusan akong nagtitiwala sa inyo.
Buong puso kitang aawitan ng mga papuri.
2Gigising ako ng maaga
at ihahanda ko ang alpa
at mga instrumentong may mga kuwerdas.
3Panginoon , pupurihin kita
sa gitna ng mga bansa.
Akoʼy aawit para sa inyo sa gitna
ng inyong mga mamamayan.
4Dahil napakadakila at walang kapantay
ang pag-ibig nʼyo at katapatan.
5O Diyos, ipakita nʼyo ang inyong
kapangyarihan sa kalangitan
at ang inyong kaluwalhatian
sa buong mundo.
6Iligtas nʼyo kami at tulungan
sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
upang kaming mga minamahal nʼyo ay maligtas.
7O Diyos, sinabi nʼyo roon sa inyong santuwaryo,
“Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem
at ang Lambak ng Sucot,
upang ipamigay sa aking mga mamamayan.
8Sa akin ang Gilead at Manases,
ang Efraim ay gagawin kong tanggulan
at ang Juda ang aking tagapamahala.
9Ang Moab ang aking utusan[#108:9 : Sa literal, planggana na panghugas ng mukha, kamay at paa.]
at ang Edom ay sa akin din.
Sisigaw ako ng tagumpay
laban sa mga Filisteo.”
10Sinong magdadala sa akin sa Edom
at sa lungsod nito na napapalibutan ng pader?
11Sino na ang makakatulong, O Diyos,
ngayong itinakwil nʼyo na kami?
Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
12Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13Sa tulong nʼyo, O Diyos,
kamiʼy magtatagumpay
sapagkat tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.