Salmo 118

Salmo 118

1Pasalamatan ang Panginoon , dahil siyaʼy mabuti;

ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.

2Ang lahat ng mamamayan ng Israel ay magsabi,

“Ang kanyang tapat na pag-ibig

ay walang hanggan.”

3Ang lahat ng mga angkan ni Aaron ay magsabi,

“Ang kanyang tapat na pag-ibig

ay walang hanggan.”

4Ang lahat ng may takot sa Panginoon ay magsabi,

“Ang kanyang tapat na pag-ibig

ay walang hanggan.”

5Sa aking kagipitan, dumulog ako sa Panginoon ,

at akoʼy kanyang sinagot at iniligtas.

6Kasama ko ang Panginoon ,

kaya hindi ako matatakot.

Ano ang magagawa ng tao sa akin?

7Kasama ko ang Panginoon ,

siya ang tumutulong sa akin.

Makikita ko ang pagkatalo

ng aking mga kaaway.

8Mas mabuti pang manalig sa Panginoon ,

kaysa magtiwala sa tao.

9Mas mabuting pang manalig sa Panginoon ,

kaysa magtiwala sa mga pinuno.

10Napaligiran ako ng maraming bansang kaaway ko,

ngunit sa kapangyarihan ng Panginoon

silaʼy tinalo ko.

11Totoong pinaligiran nila ako,

ngunit sa kapangyarihan ng Panginoon silaʼy tinalo ko.

12Sinalakay nila ako

na parang mga pukyutan,

ngunit silaʼy napatigil

na parang sinusunog na dayami.

Dahil sa kapangyarihan ng Panginoon ,

silaʼy tinalo ko.

13Puspusan nila akong sinalakay,

at halos magtagumpay na sila,

ngunit tinulungan ako ng Panginoon .

14Ang Panginoon ang aking kalakasan

at siya ang aking awit.

Siya ang nagligtas sa akin.

15-16Naririnig ang masayang sigawan

ng mga mamamayan ng Diyos

sa kanilang mga tolda

dahil sa kanilang tagumpay.

Ang Panginoon ang nagbigay

sa kanila ng tagumpay

sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan!

Ang kapangyarihan ng Panginoon

ang nagbibigay ng tagumpay!

17Hindi ako mamamatay,

sa halip ay mabubuhay,

at isasaysay ko ang mga ginawa ng Panginoon .

18Kahit napakatindi ng parusa ng Panginoon sa akin,

hindi niya niloob na akoʼy mamatay.

19Buksan ninyo ang pintuan ng Templo ng Panginoon

para sa akin

dahil papasok ako

at siyaʼy aking pasasalamatan.

20Ito ang pintuan ng Panginoon

na ang mga matuwid lang

ang makakapasok.

21Magpapasalamat ako sa inyo Panginoon ,

dahil sinagot nʼyo

ang aking dalangin.

Kayo ang nagligtas sa akin.

22Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo

ang siyang naging batong panulukan.

23Ang Panginoon ang may gawa nito

at tunay na kahanga-hanga

sa ating paningin.

24Ito ang araw na ginawa ng Panginoon ,

kaya tayoʼy magalak at magdiwang.

25Panginoon , patuloy nʼyo kaming iligtas.

Pagtagumpayin nʼyo kami sa lahat

ng aming ginagawa.

26Pinagpapala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon .

Pagpalain sana kayo ng Panginoon

mula sa kanyang Templo.

27Ang Panginoon ay Diyos

at napakabuti niya sa atin.

Magdala tayo ng mga sanga ng punongkahoy

para sa pagdiriwang ng pista,

at pumarada paikot sa altar.

28Panginoon , kayo ang aking Diyos;

nagpapasalamat ako at nagpupuri sa inyo.

29Pasalamatan ang Panginoon ,

dahil siyaʼy mabuti;

ang kanyang tapat na pag-ibig

ay walang hanggan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.