The chat will start when you send the first message.
1Ako ay magpupuri sa inyo, aking Diyos at Hari.
Pupurihin ko kayo magpakailanman.
2Pupurihin ko kayo araw-araw,
at itoʼy gagawin ko magpakailanman.
3Panginoon , kayoʼy makapangyarihan
at karapat-dapat na purihin.
Ang inyong kadakilaan
ay hindi kayang unawain.
4Ang bawat salinlahi ay magsasabi
sa susunod na salinlahi
ng tungkol sa inyong makapangyarihang gawa.
5Pagbubulay-bulayan ko
ang inyong kadakilaan at kapangyarihan,
at ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
6Ipamamalita ng mga tao ang inyong kapangyarihan
at kahanga-hangang mga gawa,
at ipamamalita ko rin ang inyong kadakilaan.
7Ipamamalita nila ang katanyagan ng inyong kabutihan,
at aawit sila nang may kagalakan
tungkol sa inyong katuwiran.
8Panginoon , kayoʼy mahabagin at matulungin;
hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
9Panginoon , mabuti kayo sa lahat;
nagmamalasakit kayo
sa lahat ng inyong nilikha.
10Pasasalamatan kayo, Panginoon ,
ng lahat ng inyong nilikha;
pupurihin kayo ng inyong mga tapat
na mamamayan.
11Ipamamalita nila ang inyong kapangyarihan
at ang kadakilaan ng inyong paghahari,
12upang malaman
ng lahat ang inyong dakilang mga gawa
at ang kadakilaan ng inyong paghahari.
13Ang inyong paghahari
ay magpakailanman.
Panginoon , tapat kayo
sa inyong mga pangako,
at mapagmahal kayo
sa lahat ng inyong nilikha.
14Tinutulungan ninyo ang mga dumaranas
ng kahirapan,
at pinalalakas ang mga nanghihina.
15Ang lahat ng nilalang na may buhay
ay umaasa sa inyo,
at binibigyan nʼyo sila ng pagkain
sa panahong kailangan nila.
16Sapat ang inyong ibinibigay
at silaʼy lubos na nasisiyahan.
17Panginoon , matuwid kayo
sa lahat ng inyong pamamaraan,
at matapat sa lahat ng inyong ginagawa.
18Kayoʼy malapit sa lahat ng tapat
na tumatawag sa inyo.
19Ibinibigay ninyo ang nais
ng mga taong may takot sa inyo;
pinapakinggan ninyo ang kanilang mga daing
at inililigtas nʼyo sila.
20Binabantayan ninyo ang mga umiibig sa inyo,
ngunit ang masasama ay lilipulin ninyo.
21Pupurihin ko kayo, Panginoon !
Ang lahat ng nilikha
ay magpupuri sa inyo magpakailanman.