Salmo 41

Salmo 41

1Mapalad ang taong nagmamalasakit sa mga mahihirap.

Tutulungan siya ng Panginoon sa panahon ng kaguluhan.

2Ipagtatanggol siya ng Panginoon , at iingatan ang kanyang buhay.

Pagpapalain din siya sa lupain natin.

At hindi siya isusuko sa kanyang mga kaaway.

3Tutulungan siya ng Panginoon kung siya ay may sakit,

at pagagalingin siya sa kanyang karamdaman.

4Sinabi ko,

“O Panginoon , nagkasala ako sa inyo.

Maawa kayo sa akin,

at akoʼy pagalingin.”

5Ang aking mga kaaway

ay nagsasalita laban sa akin.

Sinasabi nila,

“Kailan ba siya mamamatay

upang makalimutan na siya?”

6Kapag dumadalaw sila sa akin,

nagkukunwari silang nangungumusta,

pero nag-iipon lang pala sila

ng masasabi laban sa akin.

Kapag silaʼy lumabas na,

ikinakalat nila ito.

7Ang lahat ng galit sa akin

ay masama ang iniisip tungkol sa akin,

at pinagbubulung-bulungan nila ito.

8Sinasabi nila,

“Malala na ang karamdaman niyan,

kaya hindi na ʼyan makakatayo!”

9Kahit ang pinakamatalik kong kaibigan

na kasalo ko palagi sa pagkain

at pinagkakatiwalaan,

nagawa akong pagtaksilan!

10Ngunit kayo Panginoon ,

akoʼy inyong kahabagan.

Pagalingin nʼyo ako

upang makaganti na ako

sa aking mga kaaway.

11Alam kong kayoʼy nalulugod sa akin,

dahil hindi ako natatalo ng aking mga kaaway.

12Dahil akoʼy taong matuwid,

tinutulungan nʼyo ako at pinapanatili

sa inyong presensya magpakailanman.

13Purihin ang Panginoon ,

ang Diyos ng Israel, magpakailanman.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.