The chat will start when you send the first message.
1O Panginoon , mga salita koʼy iyong dinggin;
ang mga hinaing koʼy bigyang-pansin.
2Aking Diyos at Hari,
ang paghingi ko ng tulong
ay inyong dinggin,
sapagkat sa inyo ako nananalangin.
3Tuwing umaga, O Panginoon
naririnig ninyo ang aking panalangin.
Bawat umaga, akoʼy humihiling
at umaasa sa inyong kasagutan.
4Kayo ay Diyos
na hindi natutuwa sa kasamaan,
at hindi nʼyo tinatanggap
ang taong namumuhay sa kasalanan.
5Ang mga mapagmataas
ay hindi mananatili sa inyong harapan.
Ang mga taong gumagawa ng kasamaan
ay inyong kinasusuklaman.
6Pinupuksa ninyo
ang mga sinungaling.
Kinasusuklaman ninyo
ang mga mamamatay-tao
at ang mga mandaraya.
7Ngunit dahil sa inyong wagas na pag-ibig,
akoʼy makakapasok
sa inyong tahanan.
At bilang paggalang, akoʼy magpapatirapa
sa inyong banal na Templo.
8O Panginoon , akoʼy inyong gabayan
tungo sa inyong matuwid na daan,
sapagkat napakarami ng aking kalaban.
Gawin nʼyong madali kong sundan
ang iyong daan na nasa aking harapan.
9Sapagkat ang bibig ng aking mga kaaway
ay hindi mapagkakatiwalaan,
ang puso nilaʼy puno ng kapahamakan.
Katulad ng bukas na libingan
ang kanilang lalamunan;
Pawang salitang mapanlinlang
ang kanilang binibitawan.
10O Diyos, panagutin nʼyo po sila.
Nawaʼy ipahamak sila
ng sarili nilang mga plano.
Itakwil ninyo sila
dahil sa dami ng kanilang pagkakasala,
sapagkat kayoʼy sinusuway nila.
11Ngunit magalak nawa
ang lahat ng nanganganlong sa inyo;
magsiawit nawa sila
nang may kagalakan.
Ingatan nʼyo sila
na nagmamahal sa inyo,
upang silaʼy mapuno ng kagalakan.
12Pinagpapala nʼyo Panginoon
ang mga matuwid.
Ang pag-ibig nʼyo ay parang kalasag
na nag-iingat sa kanila.