The chat will start when you send the first message.
1Umawit kayo nang may galak
sa Diyos na nagbibigay sa atin
ng kalakasan.
Sumigaw kayo nang may tuwa
sa Diyos ni Jacob!
2Umawit kayo at tugtugin
ang tamburin
kasabay ng magandang tunog
ng alpa at lira.
3Patunugin ninyo ang tambuli
tuwing Pista ng Bagong Buwan
na ating ipinagdiriwang
tuwing kabilugan ng buwan.
4Dahil isa itong kautusan
para sa mga taga-Israel.
Itoʼy utos ng Diyos ni Jacob.
5Ibinigay niya ang kautusang ito
sa lahi ni Jose
nang siyaʼy sumalakay
sa lupain ng Ehipto.
May narinig akong tinig
ngunit hindi ko kilala.
Sinabi niya,
6“Kinuha ko ang mabigat niyang pasanin,
Pinalaya ko ang kanyang mga kamay sa dalahin.
7Nang kayoʼy nahirapan,
tumawag kayo sa akin
at kayoʼy iniligtas ko.
Mula sa mga alapaap,
sinagot ko kayo at sinubok
doon sa bukal ng Meriba.
8Mga Israelita, aking mamamayan,
pakinggan ninyo itong babala ko sa inyo.
Makinig kayo sa akin!
9Wala kayong ibang magiging diyos kundi ako lang.
Huwag kayong sumamba
sa diyos-diyosan.
10Ako ang Panginoon
na inyong Diyos.
Ako ang naglabas sa inyo
mula sa lupain ng Ehipto.
Humingi kayo sa akin
at ibibigay ko sa inyo
ang mga pangangailangan ninyo.
11Ngunit kayong mga Israelita
na aking mga mamamayan,
hindi kayo nakinig at sumunod sa akin.
12Kaya hinayaan ko kayo
sa katigasan ng inyong ulo
at ginawa ninyo ang inyong gusto.
13Kung nakinig lang sana kayo sa akin
at sumunod sa aking mga pamamaraan,
14kaagad ko sanang nilupig
at pinarusahan ang inyong mga kaaway.
15Ang mga napopoot sa akin,
na Panginoon
ay yuyukod sa takot.
Ang kaparusahan nila
ay walang katapusan.
16Ngunit kayo na aking mga mamamayan,
pakakainin ko kayo ng pinakamainam
na bunga ng trigo at pulot
hanggang sa mabusog kayo.”