The chat will start when you send the first message.
1Panginoon , buong puso kitang pasasalamatan.
Ilalahad ko ang lahat
ng inyong ginawang kahanga-hanga.
2Dahil sa inyo, Kataas-taasang Diyos
akoʼy magsasaya.
Magagalak ako at aawit
ng mga papuri para sa inyo.
Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
3Kapag kayoʼy nagpapakita sa aking mga kaaway,
natatakot sila at umaatras;
tumatakas sila at nadadapa,
at sa inyong harapan silaʼy namamatay.
4Nakaupo kayo sa inyong trono
bilang matuwid na hukom.
Noong akoʼy inyong hinatulan,
napatunayan nʼyong wala akong kasalanan.
5Hinatulan nʼyo at nilipol
ang mga bansang masasamâ,
kaya hindi na sila maaalala magpakailanman.
6Tuluyan nang nawala ang aking mga kaaway;
sila ay lubusang nawasak.
Giniba nʼyo rin ang kanilang mga bayan,
at silaʼy lubusan nang makakalimutan.
7Ngunit kayo, Panginoon
ay maghahari magpakailanman.
At handa na ang inyong trono
para sa paghatol.
8Matuwid ninyong pinamumunuan
ang sangkatauhan,
silaʼy inyong hinahatulan
nang walang pagkiling kaninuman.
9Panginoon , kayo ang kanlungan
ng mga inaapi,
at kublihan sa panahon ng kahirapan.
10Sa inyo nagtitiwala
ang nakakakilala sa inyo,
dahil hindi nʼyo itinatakwil
ang mga lumalapit sa inyo.
11Magsiawit kayo ng papuri
sa Panginoon na hari ng Jerusalem!
Ihayag ninyo sa mga bansa
ang kanyang mga ginawa!
12Hindi niya nakakalimutan ang panawagan
ng mga pinahihirapan;
pinaghihigantihan niya
ang mga nagpapahirap sa kanila.
13Panginoon , tingnan nʼyo po
ang pagpapahirap sa akin
ng aking mga kaaway.
Maawa kayo sa akin,
at iligtas nʼyo ako sa bingit ng kamatayan,
14upang masabi ko sa lahat ng tao
sa pintuan ng Zion,
ang inyong mga ginawa,
at akoʼy magagalak at magpupuri
dahil sa inyong pagliligtas.
15Nangyari mismo sa kanilang bansa
ang binalak nilang masama.
Sila mismo ang nahulog
sa sarili nilang bitag.
16Kilala ang Panginoon sa kanyang mga gawang matuwid.
Ang masasamaʼy napahamak,
dahil rin sa kanilang masamang gawa.
17Kamatayan ang hahantungan ng mga masasama.
Ang mga lilimot sa Diyos,
ganyan ang kahihinatnan nila.
18Ang mga dukha ay hindi laging pababayaan,
at ang pag-asa ng mga mahihirap
ay hindi na mawawala kailanman.
19O Panginoon , huwag nʼyong pabayaang manaig
ang kakayahan ng mga tao;
tipunin nʼyo sa inyong presensya
at hatulan ang mga taong
hindi kumikilala sa inyo.
20Turuan nʼyo silang matakot Panginoon ,
at nang malaman nilang silaʼy mga tao lamang.