The chat will start when you send the first message.
1Ang sinumang nananahan
sa piling ng Kataas-taasang Diyos
na Makapangyarihan
ay kakalingain niya.
2Ito ang masasabi ko tungkol sa Panginoon ,
“Siya ang kumakalinga
at nagtatanggol sa akin.
Siya ang aking Diyos
at sa kanya ako nagtitiwala.”
3Tiyak na ililigtas ka niya
sa bitag ng masasama
at sa mga nakamamatay na salot.
4Iingatan ka niya
gaya ng pag-iingat ng inahin
sa kanyang mga inakay
sa pamamagitan ng kanyang pakpak.
Ang kanyang katapatan
ang iyong magiging pananggalang
at tanggulan.
5At sa gabi, hindi ka matatakot
sa anumang bagay,
maging sa palaso ng mga kaaway,
kapag sumapit ang araw,
6o sa sakit at mga salot na dumarating
sa gabi man o araw.
7Kahit libu-libo pa ang mamatay
sa paligid mo,
wala pa ring masamang mangyayari saʼyo.
8Matutunghayan mo lamang
kung paano pinaparusahan
ang mga taong masasama.
9Dahil ginawa mong kanlungan ang Panginoon ,
ang Kataas-taasang Diyos na aking tagapagtanggol,
10walang kasamaan, kalamidad
o anumang salot
ang darating sa iyo o sa iyong tahanan.
11Sapagkat uutusan ng Diyos
ang kanyang mga anghel
na ingatan ka saan ka man magpunta.
12Bubuhatin ka nila upang hindi tumama
ang iyong mga paa sa bato.
13Tatapakan mo ang mga leon
at mga makamandag na ahas.
14Sinabi ng Diyos,
“Ililigtas ko at iingatan ang umiibig
at kumikilala sa akin.
15Kapag tumawag siya sa akin,
sasagutin ko siya.
Sasamahan ko siya,
sa oras ng kaguluhan.
Ililigtas ko siya at pararangalan.
16Bibigyan ko siya ng mahabang buhay
at ipararanas ko sa kanya
ang aking pagliligtas.”