1Ito ang pahayag ng Panginoon tungkol sa Israel.
Ako na Panginoon na gumawa ng langit at ng lupa, at ako na nagbibigay ng buhay sa tao ay nagsasabi:
2“Ang Jerusalem ay gagawin kong parang alak na magpapalasing sa mga bansang nakapalibot dito. At kapag sinalakay nila ang Jerusalem, sasalakayin din nila ang ibang lungsod ng Juda.
3Sa araw na iyon, gagawin kong parang mabigat na bato ang Jerusalem, at ang alinmang bansa na gagalaw dito ay masasaktan. Ang lahat ng bansa sa buong mundo ay magtitipon para salakayin ang Jerusalem.
4Ngunit tatakutin ko ang lahat ng kanilang mga kabayo at lilituhin ang mga sakay nito. Ako, ang Panginoon , ay nagsasabing babantayan ko ang mga mamamayan ng Juda, ngunit bubulagin ko ang mga kabayo ng mga bansa.
5At sasabihin ng mga pinuno ng Juda sa kanilang sarili, ‘Matatag ang mga mamamayan ng Jerusalem dahil ang Panginoon ng mga Hukbo ang kanilang Diyos.’
6“Sa araw na iyon, ang mga pinuno ng Juda ay gagawin kong tulad ng naglalagablab na baga sa nakabuntong mga kahoy o tulad ng naglalagablab na sulo sa nakabigkis na mga uhay. Lilipulin nila ang mga bansa sa palibot nila. Pero ang mga taga-Jerusalem ay hindi mapapahamak.
7“Ililigtas muna ng Panginoon ang hukbo ng Juda upang ang karangalan ng mga angkan ni David at ng mga nakatira sa Jerusalem ay hindi makahihigit kaysa sa Juda.
8Sa araw na iyon, iingatan ng Panginoon ang mga nakatira sa Jerusalem upang kahit na ang pinakamahina sa kanila ay magiging kasinlakas ni David. Ang mga angkan ni David ay magiging parang Diyos, parang anghel ng Panginoon na nangunguna sa kanila.[#12:8 : O diyos.]
9Sa araw na iyon, lilipulin ko ang lahat ng bansang sasalakay sa Jerusalem.
10“Bibigyan ko ang mga angkan ni David at ang mga taga-Jerusalem ng espiritung maawain at mapanalanginin. Pagmamasdan nila ako na kanilang sinibat, at iiyak sila katulad ng magulang na umiiyak sa pagkamatay ng kanilang kaisa-isang anak o anak na panganay.[#12:10 : O siya.]
11Sa araw na iyon, ang iyakan sa Jerusalem ay magiging kasintindi ng iyakan para kay Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido.
12Ang lupain ay magluluksa, ang bawat angkan kasama ang kanilang mga asawang babae: ang angkan ni David at ang kanilang mga asawa, ang angkan ni Natan at ang kanilang mga asawa
13ang angkan ni Levi at ang kanilang mga asawa, ang angkan ni Simei,
14at ang iba pang angkan at ang kanilang mga kababaihan.”