The chat will start when you send the first message.
1Dahilan sa mga pangyayari, may isang labis na nagalit at nagtangkang maghiganti. Ito'y si Lisias, bantay at katiwala ng hari at pinuno ng pamahalaan.
2Nagtipon siya ng isang malaking hukbo na binubuo ng 80,000 sundalo, at ng lahat niyang kawal na nakakabayo. Sinalakay niya ang mga Judio. Nais niyang makuha ang Jerusalem upang gawing kolonya ng Griego ang lunsod na ito.
3Kung magkagayon, sisingilan niya ng buwis ang Templo gaya ng ginagawa niya sa mga banal na dako sa ibang bansang kanyang nasakop, at taun-taon ay ipagbibili niya ang tungkulin ng Pinakapunong Pari.
4Tuwang-tuwa siya sa dami ng kanyang sundalo, sa libu-libong mangangabayo at walumpung elepante. Hindi na niya binigyang-halaga ang kapangyarihan ng Panginoon.
5Sa pamamagitan ng hukbong ito'y nilusob niya ang Judea. Pagsapit sa Beth-sur, isang napapaderang lugar na dalawampung milya ang layo sa Jerusalem, sinimulan niya ang walang humpay na pagsalakay.
6Nang mabalitaan ni Judas Macabeo at ng kanyang mga tauhan ang pagsalakay ni Lisias, sila at ang buong bayan ay lumuluhang nanalangin sa Panginoon na sana'y padalhan sila ng isang anghel na magliligtas sa Israel.
7Si Judas Macabeo ang unang kumuha ng kanyang sandata upang lumaban; hinikayat niya ang iba na sumama sa kanya at isuong ang kanilang buhay sa panganib alang-alang sa mga kababayan. Kaya't masigla silang lumabas para harapin ang mga kaaway.
8Hindi pa sila nakakalayo sa Jerusalem nang walang anu-ano'y may lumitaw sa unahan nila na isang mangangabayong nakaputi at may mga ginintuang sandata.
9Sa nakitang ito, lahat sila'y nagpasalamat sa mahabaging Diyos. Lumakas ang kanilang loob; sa pakiramdam nila, hindi lamang tao kundi maging mababangis na hayop o tanggulan mang bakal ay kaya nilang harapin.
10Sa tulong ng mahabaging Diyos na nagpadala ng tagapanguna mula sa kalangitan, ang hukbo ni Judas ay nakahanay na tumungo sa labanan.
11Parang mga leon silang dumaluhong sa mga kaaway at 11,000 kawal bukod pa sa 1,600 kawal na nakakabayo ang napatay nila kaagad. Ang karamihan ay nagsitakas.
12Sa mga nakatakas, marami ang sugatan at nasamsaman ng kanilang sandata. Maging si Lisias ay hiyang-hiyang tumakas upang iligtas ang sarili.
13Palibhasa'y matalino, pinag-isipang mabuti ni Lisias ang kanyang pagkatalo at napag-isip-isip niyang mahirap talunin ang mga Judio sapagkat tinutulungan sila ng makapangyarihang Diyos. Kaya't nagpadala siya ng sulat sa mga Judio
14para makipagkasundo. Nangako rin siyang gagawin ang lahat upang maging kaibigan ng mga Judio ang hari.
15Sumang-ayon si Judas Macabeo sa lahat ng panukala ni Lisias sapagkat naisip niyang ito'y sa ikabubuti ng kanyang mga kababayan. Ipinagkaloob naman ng hari ang lahat ng kahilingan na ipinadala ni Judas kay Lisias.
16Ganito ang nilalaman ng sulat ni Lisias sa mga Judio: “Bumabati si Lisias sa sambayanang Judio.
17Ang inyong mga sugo na sina Juan at Absalom ay nagharap ng inyong nilagdaang liham at hiniling nilang sang-ayunan ko ang inyong mga kahilingan.
18Lahat ng kahilingan para sa hari ay dinala ko sa kanya at ipinagkaloob niya ang mga bagay na nararapat.
19Maging tapat lamang kayo sa pamahalaan, gagawin ko ang lahat alang-alang sa inyong kapakanan sa hinaharap.
20Para lalong maging maliwanag, iniutos ko sa aking mga kinatawan na makipag-usap sa inyo at sa inyong mga sugo.
21Hangad ko ang ikabubuti ninyo. Isinulat ngayon, ikadalawampu't apat na araw ng buwan ng Dioscorintio, taóng 148.”
22Ganito naman ang sulat ng hari: “Pagbati sa kapatid kong Lisias, mula kay Haring Antioco.
23Ngayong patay na ang aking ama, at kasama na ng mga diyos, nais kong bigyang laya ang aking mga nasasakupan na mamahala sa kanilang sarili.
24Alam kong ang mga Judio ay hindi nasisiyahan sa pamamalakad ng aking yumaong ama tungkol sa mga kaugaliang Griego na ipinipilit sa kanila. Nais nilang mamuhay ayon sa kanilang sariling kaugalian, at iyan ang kahilingan nila ngayon.
25Nais kong mamuhay sila nang walang gumagambala, tulad ng iba kong nasasakupan, kaya't ibinabalik ko sa kanila ang Templo at pinahihintulutan kong mamuhay sila ayon sa kaugalian ng kanilang mga ninuno.
26Magsugo ka ng mga kinatawan upang ipaalam sa kanila ito at patunayan ang hangad kong makipagkaibigan. Sa gayon, hindi na sila mababahala at magiging panatag na sila sa kanilang gawain.”
27Ganito naman ang sulat ng hari sa mga mamamayang Judio: “Pagbati buhat kay Haring Antioco, para sa pamahalaang Judio at sa buong mamamayan.
28Nawa, kayo'y nasa mabuting kalagayan tulad namin.
29Ibinalita ni Menelao na nais na raw ninyong bumalik sa sariling tahanan at mamuhay ayon sa inyong kaugalian.
30Kung gayon, ang lahat ng gustong umuwi bago dumating ang ikatatlumpung araw ng buwan ng Xantico ay aming pinahihintulutan.
31Masusunod na ninyo ang inyong mga tuntunin sa pagkain at iba pang kautusan. Walang sinumang Judiong paparusahan dahil sa pagkakasalang nagawa niya dahil sa hindi niya alam na ito'y pagkakasala.
32Si Menelao mismo ang isinugo ko sa inyo para ipaliwanag ang tungkol dito.
33Hangad ko ang inyong ikabubuti. Sinulat ngayon, ikalabing limang araw ng buwan ng Xantico, taóng 148.”
34Ang mga taga-Roma ay nagpadala rin ng liham sa mga Judio na ganito naman ang nilalaman: “Pagbati sa mga Judio, mula kina Quinto Memmio at Tito Manio, mga kinatawan ng Roma.
35Pinapagtibay namin ang anumang ipahihintulot sa inyo ni Lisias na kamag-anak ng hari.
36Pag-aralan ninyo ang mga kahilingan ninyo na ipinadala ni Lisias sa hari. Matapos ninyong mapag-aralan, ipadala ninyo agad sa amin ang inyong kapasyahan upang aming maipaglaban ang inyong kapakanan, sapagkat kami ay pupunta sa Antioquia.
37Kaya huwag na kayong mag-aksaya ng panahon. Magpadala agad kayo ng mga sugong magbabalita sa amin ng inyong kapasyahan.
38Hangad namin ang inyong ikabubuti. Ikalabing limang araw ng buwan ng Xantico, taóng 148.”