Karunungan ni Solomon 2

Masamang Pag-iisip

1Ang walang kabuluhang pangangatuwiran ng masama ay ganito:

“Maikli at malungkot ang buhay,” wika nila sa sarili,

“at wala nang lunas pagdating ng wakas ng buhay ng tao,

wala na ring patay na nakakabalik mula sa libingan.

2Pagkakataon lamang ang pagkasilang sa atin;

pagkatapos, tayo'y papanaw at parang di isinilang.

Ang hininga natin ay tulad lamang ng usok,

at ang isipa'y parang tilamsik na mula sa pintig ng puso.

3Pagtigil ng pintig na iyon, ang ating katawang lupa ay babalik sa alabok,

at maglalaho ang ating espiritu kasama ng hanging nagdaraan.

4Sa kalaunan, malilimot na ang ating pangalan, pati ang ating mga nagawa.

Mawawala ang buhay natin, parang balumbon ng mga ulap,

matutunaw na parang hamog sa init ng araw.

5Ang buhay natin ay lumilipas na parang anino,

ang araw ng pagkamatay ay hindi maiiwasan,

nakatakda na iyon at wala nang makakapagbago.”

6Sabi pa rin nila, “Kaya nga, magpakasawa tayo sa lahat ng bagay;[#Isa. 22:13; 1 Cor. 15:32.]

gaya ng ginawa natin noong tayo'y bata pa

at magpakasaya tayo sa kagandahan ng sangnilikha.

7Magpakasawa tayo sa mamahaling alak at pabango,

at huwag palampasin isa mang bulaklak sa panahon ng tagsibol.

8Pitasin natin ang mga rosas bago ito malanta,

at isuksok sa ating buhok habang sariwa pa ito at mabango.

9Magsama-sama tayo sa ating pagdiriwang.

Mag-iwan tayo ng bakas ng kasaysayan sa lahat ng dako,

sapagkat ito'y ating buhay; ito'y ating karapatan.

10“Apihin natin ang mahihirap kahit na sila ay matuwid.

Pahirapan natin ang mga biyuda.

Huwag nating igalang maging ang matatanda.

11Ang pairalin nating batas ay ang ating lakas,

sapagkat wala tayong mapapala sa pagiging mahina.

12Tambangan natin ang mga taong matuwid,

sapagkat hadlang sila sa ating mga balak.

Ipinamumukha nila sa atin ang pagsuway sa kautusan,

at sinasabing tayo'y nagkasala laban sa ating kaugalian.

13Ipinagmamalaki nilang nakikilala nila ang Diyos,

at sinasabing sila'y mga anak ng Panginoon.

14Sila ang nagbibigay sa atin ng mga problema.

15Makita lang natin sila'y balisa na tayo,

sapagkat kaiba ang kanilang gawain at pamumuhay.

16Ang palagay nila sa atin ay mababang-mababa,

at nandidiri sila sa ating gawain.

Sinasabi nilang kaligayahan ang wakas ng matuwid,

at ipinagmamagaling na sila'y anak ng Diyos.

17Tingnan natin kung ang sinasabi nila'y magkakatotoo,

kung ano ang mangyayari sa kanila pagkamatay nila.

18Kung ang mga matuwid ay anak nga ng Diyos,

sila ay tutulungan niya at ililigtas sa mga kaaway.

19Subukin natin silang kutyain at pahirapan,

upang malaman natin kung hanggang saan ang kanilang kabutihang-loob,

at kung hanggang kailan sila makakatagal.

20Subukin nating ilagay sila sa bingit ng kamatayan,

dahil ang sabi nila ay iingatan sila ng Diyos.”

21Iyon ang pangangatuwiran ng masasama, ngunit sila'y nagkakamali,

sapagkat binubulag sila ng kanilang kasamaan.

22Hindi nila nabatid ang lihim na panukala ng Diyos.

Hindi sila umasa sa gantimpala ng kabanalan,

hindi naisip ang magandang wakas ng malinis na pamumuhay.

23Sapagkat ang tao'y hindi nilikha ng Diyos para mamatay,[#Gen. 1:26-27.]

kundi upang maging larawan niyang buháy.

24Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan

at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya.

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society