Ang Mangangaral 2

Kamangmangan ang Maging Makasarili

1Sinabi ko sa aking sarili, “Halika, subukan mo kung ano ang kahulugan ng kaligayahan; magpakasaya ka!” Subalit ito man ay walang kabuluhan.[#2:1 o kaya'y .]

2Ang halakhak ay ipinalagay kong kahangalan at ang kaligayahan ay walang kabuluhan.[#2:2 o kaya'y .]

3Sa pagnanasa kong makamit ang karunungan, ipinasya kong magpakalasing sa alak. Sa loob-loob ko'y ito na ang pinakamainam na dapat gawin ng tao sa maikling panahong ilalagi niya sa mundong ito.

4Nakagawa ako ng mga dakilang bagay. Nakapagpatayo ako ng malalaking bahay at ginawa kong ubasan ang paligid nito.[#1 Ha. 10:23-27; 2 Cro. 9:22-27.]

5Gumawa ako para sa aking sarili ng mga hardin at liwasan. Tinamnan ko ito ng lahat ng uri ng punongkahoy na mapapakinabangan ang bunga.

6Humukay ako ng mga balon na pagkukunan ng pandilig sa mga pananim na ito.

7Bumili ako ng mga aliping babae at lalaki. Ang mga alipin ko'y nagkaanak na sa aking tahanan. Ang kawan ko'y ubod ng dami, walang kasindami kung ihahalintulad sa kawan ng mga haring nauna sa akin.[#1 Ha. 4:23.]

8Nakaipon ako ng napakaraming pilak at ginto mula sa mga lupaing nasasakupan ko. Marami akong mang-aawit na babae't lalaki. Marami akong asawa at pawang magaganda. Wala nang hahanapin pa ang isang lalaki, lalo na kung tungkol din lang sa babae.[#1 Ha. 10:10, 14-22.]

9Higit akong dinakila kaysa sinumang haring nauna sa akin. Taglay ko pa rin ang aking karunungan.[#1 Cro. 29:25.]

10Wala akong ginustong hindi ko nakuha. Ginagawa ko ang lahat ng aking magustuhan. Nalulugod ako sa aking mga ginagawa at iyon ang pinakagantimpala ng aking mga pinagpaguran.

11Pagkatapos, inisip kong mabuti ang mga ginawa ko at ang pagod na aking pinuhunan. Nakita kong ang lahat ay pawang walang kabuluhan; tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.[#2:11 o kaya'y .]

12Naisip kong ang wakas ng isang hari ay tulad lamang ng sa mga nauna sa kanya. Tinimbang kong mabuti ang karunungan, ang kabaliwan at kamangmangan.

13Napatunayan kong mas mabuti ang karunungan kaysa kamangmangan, tulad ng kabutihan ng liwanag kaysa kadiliman.

14Nalalaman ng marunong ang kanyang patutunguhan ngunit hindi alam ng mangmang ang kanyang hangganan. Ngunit nabatid ko ring iisa ang hantungan ng lahat.

15Sinabi ko sa aking sarili, “Ang sinapit ng mangmang ay siya mo ring sasapitin. Ano nga ba ang napala mo sa labis na pagpapakarunong?” At naisip kong ito man ay wala ring kabuluhan.[#2:15 o kaya'y .]

16Pagkat kung paanong ang mangmang ay nalilimutan pagdating ng araw, gayon din ang lahat ay mamamatay, maging ang marunong man, o ang mangmang.

17Kaya't kinamuhian ko ang buhay sapagkat pawang kahirapan lamang ang idinulot nito sa akin. Lahat nga ay walang kabuluhan, at tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.[#2:17 o kaya'y .]

18Wala na ring halaga sa akin ang lahat ng pinagpaguran ko sa mundong ito sapagkat ito'y maiiwan lamang sa susunod sa akin.

19At sino ang nakakatiyak kung siya'y marunong o mangmang? Gayunman, siya pa rin ang magmamana sa lahat ng mga pinagpaguran ko at ginamitan ng karunungan sa mundong ito. Ito ma'y walang kabuluhan.[#2:19 o kaya'y .]

20Kaya nga, nanghihinayang ako pagkat ako ay nagpakapagod nang husto sa mundong ito.

21Lahat ng pinagpaguran ng tao'y pinamuhunan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan ngunit pagdating ng araw ay iba ang magpapakasaya sa mga pinagpaguran niya. Ito ay walang kabuluhan, at ito'y hindi tama.[#2:21 o kaya'y .]

22Nagpapakapagod at nagpapakahirap nang husto sa mundong ito ang isang tao, ngunit para saan ba ang pagpapagod na ito?

23Anumang gawin ng tao'y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan.[#Job 5:7; 14:1.; #2:23 o kaya'y .]

24Ang mabuti pa sa tao'y kumain at uminom, at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran. Alam kong ang lahat ng ito ay kaloob ng Diyos.[#Manga. 3:13; 5:18; 9:7; Isa. 56:12; Lu. 12:19; 1 Cor. 15:32.]

25Kung wala ang Diyos, sino pa ba ang makakakain o makakaranas ng kasiyahan?

26Ang karunungan, kaalaman, at kaligayahan ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng kinalulugdan niya. Ang makasalana'y pinagtatrabaho niya at pinag-iimpok upang ibigay lamang ito sa gusto niyang pagbigyan. Ito man ay walang kabuluhan, tulad lang ng paghahabol sa hangin.[#Job 32:8; Kaw. 2:6.; #2:26 o kaya'y .]

New Testament © 2012 Philippine Bible Society Old Testament © 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society
0:00-0:00