Habakuk 1

1Ang aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Habakuk.

Inireklamo ni Habakuk ang Kawalang-Katarungan

2O Yahweh, hanggang kailan ako hihingi ng tulong sa inyo,

bago ninyo ako dinggin,

bago ninyo ako iligtas sa karahasan?

3Bakit puro kaguluhan at kasamaan

ang ipinapakita mo sa akin?

Sa magkabi-kabila'y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan;

laganap ang karahasan at ang labanan.

4Ang batas ay walang bisa at walang pakinabang,

at hindi umiiral ang katarungan.

Sa husgado ay laging natatalo ng masasama ang walang kasalanan,

kaya't nababaluktot ang katarungan.

Ang Tugon ni Yahweh

5Pagkatapos ay sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan,[#Gw. 13:41.]

“Masdan mo ang mga bansang nakapalibot sa iyo

at mamamangha ka at magugulat sa iyong makikita.

Hindi magtatagal at mayroon akong gagawing

hindi mo paniniwalaan kapag nabalitaan mo.

6Papalakarin ko sa kapangyarihan ang mga taga-Babilonia—[#2 Ha. 24:2.]

ang bansang kilala sa kalupitan at karahasan.

Sinasalakay nila ang lahat ng dako ng daigdig

upang sakupin ang lupaing hindi kanila.

7Naghahasik sila ng takot at sindak;

ipinagmamapuri nila na sila mismo ang batas.

8Ang mga kabayo nila'y mas mabibilis kaysa mga leopardo,

mas mababangis kaysa mga asong-gubat pagsapit ng gabi.

Ang kanilang mga mangangabayo ay rumaragasa mula sa malalayong lupain;

para silang mga agila na dumadagit sa kanilang biktima.

9Ang kanilang mga hukbo ay marahas na sumasalakay,

at lahat ay nasisindak habang sila'y nananakop.

Di mabilang na parang buhangin ang kanilang mga bihag.

10Hinahamak nila ang mga hari,

at walang pinunong iginagalang.

Pinagtatawanan lamang nila ang bawat muog,

sapagkat ito'y kanilang nilulusob at madaling nakukuha.

11Pagkatapos ay nagpapatuloy silang parang malakas na hangin;

walang dinidiyos

kundi ang sarili nilang lakas.”

Muling Dumaing si Habakuk

12O Yahweh, kayo ay Diyos na walang hanggan.

Kayo ang aking Diyos, banal at magpakailanman.

O Yahweh, aking Diyos at tanggulan,

pinili ninyo ang mga taga-Babilonia at sila'y inyong pinalakas.

O Batong matibay, inilagay mo sila upang kami'y pahirapan,

upang kami'y parusahan.

13Ngunit paano ninyo natitiis ang mga taksil at masasamang taong ito?

Napakabanal ng inyong paningin upang masdan ang kasamaan.

Hindi ninyo matitiis ang mga taong gumagawa ng mali.

Bakit hindi kayo kumikibo gayong pinupuksa nila

ang mga taong higit na mabuti kaysa kanila?

14Itinuturing mo ang mga tao na gaya ng mga isda,

o gaya ng mga kulisap na walang mangunguna sa kanila.

15Binibingwit sila ng mga taga-Babilonia na wari'y isda.

Itinataboy nila ang mga ito sa mga lambat,

at pagkatapos ay nagsisigawan sa galak!

16Kaya't sinasamba pa nila ang kanilang mga lambat,

at nag-aalay ng mga handog;

sapagkat ito ang nagbibigay sa kanila ng karangyaan.

17Patuloy ba nilang gagamitin ang kanilang tabak

at walang awang pupuksain ang mga bansa?

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society