Mga Awit 84

Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos

1Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!

2Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.

Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,

sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.

3Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,

maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,

may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;

O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.

4Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan

at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)

5Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,

silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.

6Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,

tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.

7Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,

batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.

8Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,

O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)

9Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,

pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.

10Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,

kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.

Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,

kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.

11Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,

kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.

Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay

sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.

12O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,

ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society