Mga Awit 92

Awit ng Papuri sa Diyos

1Ang magpasalamat

kay Yahweh ay mabuting bagay,

umawit na lagi

purihin ang ngalang Kataas-taasan.

2Pag-ibig niyang wagas

ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway,

pagsapit ng gabi

ang katapatan niya'y ihayag din naman.

3Ito'y ipahayag

sa saliw ng alpa't tugtuging salteryo,

sa magandang himig

ng tugtuging lira'y ipahayag ito.

4Ako'y nagagalak

sa iyong ginawa na kahanga-hanga,

sa lahat ng ito

ako'y umaawit dahilan sa tuwa.

5O pagkadakila!

Kay dakila, Yahweh, ng iyong ginawa,

ang iyong isipan

ay sadyang mahirap naming maunawa.

6Sa kapos na isip,[#Kar. 13:1.]

ang bagay na ito ay di nalalaman,

hindi malilirip

ni mauunawa ng sinumang mangmang:

7ang mga masama

kahit na dumami't sila ma'y umunlad,

kanilang hantungan

ay tiyak at lubos na kapahamakan;

8sapagkat ikaw lang,

Yahweh, ang dakila't walang makatulad.

9Nababatid naming

lilipuling lahat ang iyong kaaway,

at lahat ng taong

masama ang gawa ay mapipilan.

10Ako'y ginawa mong

sinlakas ng torong mailap sa gubat,

ako'y pinagpala't

pawang kagalakan aking dinaranas.

11Aking nasaksihan

yaong pagkalupig ng mga kaaway,

pati pananaghoy

ng mga masama'y aking napakinggan.

12Tulad ng palmera,

ang taong matuwid tatatag ang buhay,

sedar ang kagaya,

kahoy sa Lebanon, lalagong malabay.

13Mga punong natanim

sa tahanan ni Yahweh,

sa Templo ng ating Diyos

bunga nila'y darami.

14Tuloy ang pagbunga

kahit na ang punong ito ay tumanda,

luntia't matatag,

at ang dahon nito ay laging sariwa.

15Ito'y patotoo

na si Yahweh ay tunay na matuwid,

siya kong sanggalang,

matatag na batong walang karumihan.

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society
0:00-0:00