MIKAS 5

Nangako ang Diyos ng Isang Pinuno mula sa Bethlehem

1Ngayon ay magtipun-tipon kayo sa mga hukbo, O anak na babae ng mga hukbo,

sila'y naglagay ng pagkubkob laban sa atin;

kanilang hahampasin ng tungkod

ang pisngi ng hukom ng Israel.

2Ngunit ikaw, Bethlehem sa Efrata,[#Mt. 2:6; Jn. 7:42]

na maliit upang mapabilang sa mga angkan ng Juda,

mula sa iyo ay lalabas para sa akin

ang isa na magiging pinuno sa Israel;

na ang pinagmulan ay mula nang una,

mula nang walang hanggan.

3Kaya't kanyang ibibigay sila hanggang sa panahon

na siya na nagdaramdam ay manganak;

kung magkagayon ang nalabi sa kanyang mga kapatid ay babalik

sa mga anak ni Israel.

4At siya'y titindig at pakakainin ang kanyang kawan sa lakas ng Panginoon ,

sa kamahalan ng pangalan ng Panginoon niyang Diyos.

At sila'y mananatili, sapagkat sa panahong iyon siya'y magiging dakila

hanggang sa mga dulo ng lupa.

5At ang isang ito ay magiging kapayapaan.

Kapag ang taga-Asiria ay sumalakay sa ating lupain,

at kapag tinapakan niya ang ating mga muog,

kung gayon tayo ay maglalagay laban sa kanya ng pitong pastol,

at walong pinuno ng mga tao.

6Kanilang pamumunuan ng tabak ang lupain ng Asiria,[#Gen. 10:8-11]

at ang lupain ng Nimrod sa mga pasukan niyon,

at kanyang ililigtas tayo sa taga-Asiria,

kapag siya'y sumalakay sa ating lupain,

at kapag siya'y tumapak sa ating nasasakupan.

7At ang nalabi sa Jacob

ay magiging parang hamog na mula sa Panginoon

sa gitna ng maraming bayan,

parang ulan sa damo

na hindi naghihintay sa tao,

ni naghihintay man sa mga anak ng tao.

8At ang nalabi sa Jacob

ay makakasama ng mga bansa,

sa gitna ng maraming bayan,

parang leon sa gitna ng mga hayop sa gubat,

parang batang leon sa gitna ng mga kawan ng mga tupa;

na kapag siya'y dumaan, yumapak

at lumapa, at walang magligtas.

9Itataas ang iyong kamay sa iyong mga kaaway,

at lilipulin ang lahat ng iyong mga kaaway.

10At sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ,

aking aalisin sa iyo ang mga kabayo mo,

at aking sisirain ang iyong mga karwahe,

11at aking wawasakin ang mga lunsod ng iyong lupain,

at aking ibabagsak ang lahat ng iyong tanggulan.

12Aalisin ko ang mga panghuhula sa iyong kamay;

at hindi ka na magkakaroon ng mga manghuhula:

13Aalisin ko ang iyong mga larawang inanyuan

at ang iyong mga haligi sa gitna ninyo,

at hindi ka na sasamba

sa gawa ng iyong mga kamay;

14at aking bubunutin ang iyong mga Ashera mula sa gitna mo;

at aking wawasakin ang iyong mga bayan.

15Sa galit at poot ay maglalapat ako ng paghihiganti

sa mga bansa na hindi nakinig.

©Philippine Bible Society, 2001
Published by: Philippine Bible Society