MGA AWIT 42

IKALAWANG AKLAT

1Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,

gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.

2Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,

sa buháy na Diyos,

kailan ako makakarating at makikita

ang mukha ng Diyos?

3Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,

habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,

“Nasaan ang iyong Diyos?”

4Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,

habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:

kung paanong ako'y sumama sa karamihan,

at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,

na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,

napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.

5Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?

Bakit ka nababagabag sa loob ko?

Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,

dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.

6O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;

kaya't aking naaalala ka

mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,

mula sa Bundok ng Mizhar.

7Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman

sa hugong ng iyong matataas na talon.

Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon

sa akin ay tumabon.

8Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,

at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,

isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.

9Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:

“Bakit kinalimutan mo ako?

Bakit ako'y tumatangis sa paghayo

dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”

10Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,

ang aking mga kaaway, tinutuya ako,

habang patuloy nilang sinasabi sa akin,

“Nasaan ang Diyos mo?”

11Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?

At bakit ka nababagabag sa loob ko?

Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,

ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.

©Philippine Bible Society, 2001
Published by: Philippine Bible Society