MGA AWIT 79

1O Diyos, ang mga pagano sa iyong mana ay dumating,[#2 Ha. 25:8-10; 2 Cro. 36:17-19; Jer. 52:12-14]

kanilang dinungisan ang iyong templong banal;

ang Jerusalem sa mga guho ay kanilang inilagay.

2Ang mga katawan ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila

bilang pagkain sa mga ibon sa himpapawid,

ang laman ng iyong mga banal sa mga hayop sa lupa.

3Ang kanilang dugo ay parang tubig na ibinuhos nila

sa palibot ng Jerusalem;

at walang sinumang sa kanila'y maglibing.

4Kami'y naging tampulan ng pagtuya sa aming mga kalapit,

ang mga nasa palibot namin kami'y nililibak at nilalait.

5Hanggang kailan, O Panginoon ? Magagalit ka ba habang panahon?

Ang iyo bang mapanibughong poot ay mag-aalab na parang apoy?

6Ibuhos mo ang iyong galit sa mga bansang

hindi kumikilala sa iyo,

at sa mga kaharian

na hindi tumatawag sa pangalan mo!

7Sapagkat ang Jacob ay kanilang nilapa,

at ang kanyang tahanan ay kanilang giniba.

8Huwag mong alalahanin laban sa amin

ang kasamaan ng aming mga ninuno,

mabilis nawang dumating ang iyong kahabagan upang salubungin kami,

sapagkat kami ay lubhang pinababa.

9Tulungan mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,

para sa kaluwalhatian ng iyong pangalan;

iligtas mo kami at patawarin ang aming mga kasalanan,

alang-alang sa iyong pangalan.

10Bakit sasabihin ng mga bansa,

“Nasaan ang kanilang Diyos?”

Nawa'y ang paghihiganti para sa dugong nabuhos ng iyong mga lingkod

ay malaman ng mga bansa sa harap ng aming mga mata.

11Ang daing ng mga bilanggo'y dumating nawa sa iyong harapan,

ayon sa iyong dakilang kapangyarihan iligtas mo ang mga nakatakdang mamatay!

12Ibalik mo ng pitong ulit sa sinapupunan ng aming mga kalapit-bansa

ang mga pagkutyang ikinutya nila sa iyo, O Panginoon.

13Kung gayon kaming iyong bayan, ang mga tupa sa iyong pastulan,

ay magpapasalamat sa iyo magpakailanman;

sa lahat ng salinlahi ang papuri sa iyo'y aming isasalaysay.

©Philippine Bible Society, 2001
Published by: Philippine Bible Society