MGA AWIT 98

1O umawit kayo sa Panginoon ng bagong awit;

sapagkat siya'y gumawa ng mga kagila-gilalas na bagay.

Ang kanyang kanang kamay at ang kanyang banal na bisig

ay nagbigay sa kanya ng tagumpay.

2Ipinakilala ng Panginoon ang kanyang tagumpay,

ipinahayag niya sa paningin ng mga bansa ang kanyang katuwiran.

3Kanyang inalaala ang kanyang tapat na pag-ibig at ang kanyang katapatan

sa sambahayan ng Israel;

Nakita ng lahat ng mga dulo ng lupa

ang kaligtasan ng aming Diyos.

4Sumigaw ang buong lupa na may kagalakan sa Panginoon ,

magpasimula at umawit kayo na may kagalakan at umawit kayo ng mga papuri!

5Magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon sa pamamagitan ng lira;

ng lira at ng tunog ng himig!

6Sa pamamagitan ng mga trumpeta at tunog ng tambuli,

sumigaw kayo na may kagalakan sa harapan ng Hari, ang Panginoon !

7Humugong ang dagat at ang lahat ng naroon;

ang sanlibutan at ang naninirahan doon!

8Ipalakpak ng mga ilog ang kanilang mga kamay;

sama-samang magsiawit ang mga burol dahil sa kagalakan

9sa harapan ng Panginoon , sapagkat siya'y darating

upang hatulan ang lupa.

Kanyang hahatulan ng matuwid ang sanlibutan,

at ng katarungan ang mga bayan.

©Philippine Bible Society, 2001
Published by: Philippine Bible Society