1 Timoteo 2

Mga Bilin Tungkol sa Pagsamba

1Una sa lahat, ipinapakiusap kong ipanalangin nʼyo ang lahat ng tao. Ipaabot ninyo sa Diyos ang kahilingan nʼyo para sa kanila nang may pasasalamat.

2Ipanalangin nʼyo ang mga hari at mga may kapangyarihan upang makapamuhay tayo nang tahimik at mapayapa, may takot sa Diyos at marangal.

3Mabuti ito at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas.

4Nais niyang maligtas ang lahat ng tao at malaman ang katotohanan.

5Sapagkat iisa lang ang Diyos at iisa lang ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao; walang iba kundi ang taong si Kristo Hesus na

6naghandog ng kanyang buhay bilang pantubos sa lahat ng tao. Sa pamamagitan nitoʼy naihayag ang kalooban ng Diyos sa takdang panahong pinili niya.

7At ito ang dahilan ng pagkahirang ko bilang apostol at tagapangaral sa mga Hentil tungkol sa pananampalataya at katotohanan. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling.

8Nais kong sa lahat ng pagtitipon-tipon, ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na kalooban, na sa pagtaas nila ng kamay ay walang sama ng loob o galit sa kapwa.[#2:8 : Ito ay karaniwang paraan ng pagdarasal sa Lumang Tipan. Bilang halimbawa, tingnan ang Salmo 134:2; Pan. 2:19.]

9Nais ko ring ang mga babae ay maging maayos sa pananamit nila, marangal at nararapat, at iwasan ang labis na pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga alahas o mamahaling damit.

10Sa halip, ang dapat makita sa kanila ay mabubuting gawa, sapagkat ito ang nararapat sa mga babaeng sumasampalataya sa Diyos.

11Ang babae ay dapat matuto nang tahimik at lubos na nagpapasakop.

12Hindi ko pinahihintulutan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki. Kailangang tumahimik lang sila.

13Sapagkat unang nilalang si Adan bago si Eva,

14at hindi si Adan ang nadaya. Ang babae ang nadaya at nagkasala.

15Ganoon pa man, maliligtas ang mga babae sa pamamagitan ng panganganak nila, kung magpapatuloy sila sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan, at tamang pag-uugali.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.