1 Timoteo 3

Mga Dapat na Katangian ng Tagapangasiwa at Tagapaglingkod

1Mapagkakatiwalaan ang salitang ito: Ang sinumang nagnanais na maging tagapangasiwa ng iglesya ay naghahangad ng marangal na gawain.

2Ang isang tagapangasiwa ay dapat walang kapintasan, tapat sa kanyang asawa, hindi madaling magalit, marunong magpigil sa sarili, kagalang-galang, bukas ang tahanan sa mga tao, at may kakayahang magturo.[#3:2 : O may magandang reputasyon.]

3Hindi siya dapat lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi mukhang pera.

4Kailangan ding mahusay siyang mamahala sa pamilya niya; iginagalang at sinusunod ng mga anak niya.

5Sapagkat kung hindi siya marunong mamahala sa sariling pamilya, paano siya makakapangasiwa nang maayos sa iglesya ng Diyos?

6Dapat ay hindi siya bagong mananampalataya, at baka maging mayabang siya at mahatulan katulad ng diyablo.

7Bukod pa rito, kailangang iginagalang siya ng mga hindi miyembro ng iglesya upang hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.

8Ganoon din naman sa mga tagapaglingkod sa iglesya: Kailangang kagalang-galang sila, tapat sa kanilang salita, hindi lasenggo, at hindi gahaman sa pera.[#3:8 : O kayaʼy diyakono.]

9Kailangang pinanghahawakan nila ang katotohanan tungkol sa pananampalataya kay Kristo nang may malinis na konsensiya.

10Kailangan ding masubok muna sila; at kung mapatunayang karapat-dapat, hayaan silang makapaglingkod bilang tagapaglingkod.

11Kailangang kagalang-galang din ang mga asawa nila, hindi mapanira sa kapwa, hindi madaling magalit, at mapagkakatiwalaan sa lahat ng bagay.

12Ang mga tagapaglingkod ay dapat isa lamang ang asawa at mahusay mamahala sa kanilang mga anak at buong sambahayan

13sapagkat ang mga naglilingkod nang mabuti bilang tagapaglingkod ay iginagalang ng mga tao at lalong lumalago ang katiyakan nila sa kanilang pananampalataya kay Kristo Hesus.

Mga Dahilan ng Tagubilin ni Pablo

14Kahit umaasa akong makakapunta diyan saʼyo sa lalong madaling panahon, isinulat ko pa rin ang mga tagubiling ito upang

15kahit maantala ako, alam mo na kung ano ang dapat maging ugali ng mga mananampalataya bilang pamilya ng Diyos. Tayong mga mananampalataya ang iglesya ng buháy na Diyos, ang haligi at saligan ng katotohanan.

16Hindi maikakaila na ang hiwaga ng ating pananampalataya ay napakadakila:[#3:16 : Sa literal, pagiging maka-Diyos.]

Nagpakita siya bilang tao,

pinatotohanan ng Espiritu

na siyaʼy matuwid,

nakita siya ng mga anghel,

ipinangaral sa mga bansa,

pinaniwalaan ng mundo,

at dinala sa langit.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.