2 Pedro 2

Ang mga Huwad na Guro at ang Kanilang Pagkasira

1Ngunit nagkaroon din ng mga bulaang propeta sa mga mamamayan ng Israel noong araw, at ganito rin ang mangyayari sa inyo. Magkakaroon ng mga huwad na guro sa inyo at palihim nilang ituturo ang mga aral na makakasira sa pananampalataya ninyo. Itatakwil nila maging ang Panginoon na tumubos sa kanila, kaya biglang darating sa kanila ang kapahamakan.

2Sa kabila nito, marami pa ring susunod sa nakakahiya nilang pamumuhay, at dahil sa kanila, malalapastangan ang katotohanang sinusunod natin.

3Dahil sa kasakiman nila, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng matatamis na salita upang perahan kayo. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila, at malapit na silang lipulin.

4Kahit nga ang mga anghel ay hindi kinaawaan ng Diyos nang nagkasala sila. Sa halip, itinapon sila sa malalim at madilim na hukay upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom.

5Hindi rin kinaawaan ng Diyos ang mga tao noong unang panahon dahil sa kasamaan nila, kundi nilipol silang lahat sa baha. Tanging si Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay at ang pito niyang kasama ang nakaligtas.

6Hinatulan din ng Diyos ang mga lungsod ng Sodoma at Gomora dahil sa kasamaan nila, at sinunog ang mga ito, para ipakita ang mangyayari sa masasamâ.

7Subalit iniligtas ng Diyos si Lot, isang taong matuwid na nababahala sa malaswang pamumuhay ng mga tao.

8Habang naninirahan doon si Lot, araw-araw niyang nasasaksihan ang masasama nilang gawain at labis na naghihirap ang kalooban niya.

9-10Kaya makikita natin na alam ng Panginoon kung paano iligtas sa mga pagsubok ang mga matuwid, at kung paano parusahan ang masasamâ. Parurusahan niya lalo na ang mga sumusunod sa masasamang pagnanasa ng kanilang laman at ayaw magpasakop sa kanya, hanggang sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom.

Ang binabanggit kong mga huwad na guro ay mayayabang at mapangahas. Hindi sila natatakot hamakin ang mga makalangit na nilalang.

11Kahit ang mga anghel, na higit pang malakas at makapangyarihan sa mga gurong ito, ay hindi nilalapastangan ang mga makapangyarihang nilalang sa harap ng Panginoon.

12Ngunit nilalapastangan ng mga gurong ito ang mga bagay na hindi nila naiintindihan. Para silang mga hayop na walang isip at ipinanganak upang hulihin at patayin. Talagang lilipulin ang mga taong ito.

13Ito ang kabayaran sa ginagawa nilang kasamaan. Mahilig silang gumawa ng lantarang kalaswaan. Malaking kahihiyan at kapintasan ang dala nila sa inyo. Natutuwa silang lokohin kayo habang kumakain silang kasama ninyo sa mga pagsasalo-salo ninyo.

14Kung tumingin sila sa babae, puno ito ng pagnanasa. Wala silang tigil sa paggawa ng kasalanan at hinihikayat pa ang mga taong mahihina. Sanay sila sa pagiging sakim. Mga isinumpa sila!

15Tinalikuran nila ang tamang daan, kaya naligaw sila. Sinunod nila ang halimbawa ni Balaam na anak ni Beor na pumayag masuhulan sa paggawa ng masama.

16At dahil nilabag niya ang utos ng Diyos, sinumbatan siya ng asno niyang nakapagsalita na parang tao upang mapigilan siya sa kabaliwan niya.

17Ang mga huwad na gurong itoʼy tulad ng mga natuyong batis at mga ulap na tinatangay ng malakas na hangin. Itinakda na sila ng Diyos sa dakong napakadilim.

18Mayabang silang magsalita, ngunit wala namang kabuluhan. Sinasabi nilang hindi masama ang pagsunod sa masasamang nasa ng laman. Kaya nahihikayat nilang bumalik sa imoralidad ang mga taong kakatalikod pa lamang sa masamang pamumuhay.

19Ipinapangako nila ang kalayaan sa mga nahihikayat nila, ngunit sila mismo ay mga alipin ng kasalanang magpapahamak sa kanila. Sapagkat alipin ang tao ng anumang kumokontrol sa kanya.

20Ang mga taong nakakilala na kay Hesu-Kristo na Panginoon at Tagapagligtas ay tumalikod na sa kasamaan ng mundo. Ngunit kung muli silang bumalik sa kasamaan at maging alipin muli nito, mas masahol pa sa dati ang magiging kalagayan nila.

21Mas mabuti pang hindi na nila natagpuan ang landas patungo sa matuwid na pamumuhay, kaysa sa natagpuan ito at talikuran lang sa bandang huli ang mga banal na utos na ibinigay sa kanila.

22Bagay sa kanila ang kasabihan, “Ang asoʼy kumakain ng suka niya.” At isa pa, “Ang baboy kahit paliguan, babalik din sa kanyang lubluban.”[#2:22 Kaw. 26:11.]

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.