2 Samuel 19

1May nagsabi kay Joab na umiiyak ang hari at nagluluksa dahil kay Absalom.

2Nang marinig ito ng mga sundalo, natigil ang kasayahan ng kanilang tagumpay at napalitan ito ng pagluluksa.

3Tahimik silang bumalik sa lungsod ng Mahanaim, gaya ng mga sundalong nahihiya dahil tumakas mula sa labanan.

4Tinakpan ni David ang mukha niya at umiyak nang labis, “O Absalom, anak ko, anak ko!”

5Pumunta si Joab sa bahay ng hari at sinabi, “Ipinahiya nʼyo ngayon ang mga tauhan ninyong nagligtas sa buhay nʼyo at sa buhay ng mga anak at asawa ninyo.

6Minamahal nʼyo ang mga napopoot sa inyo, at kinapopootan ang mga nagmamahal sa inyo. Malinaw po na hindi nʼyo pinapahalagahan ang mga opisyal at tauhan ninyo. Sa tingin ko, mas masisiyahan pa kayo kung namatay kaming lahat at nabuhay si Absalom.

7Lumabas po kayo ngayon at pasalamatan ang mga tauhan ninyo. Dahil kung hindi, isinusumpa ko sa Panginoon na wala ni isa sa kanilang maiiwan na kasama nʼyo ngayong gabi. Ito ang pinakamasamang mangyayari sa inyo mula noon hanggang ngayon.”

8Kaya tumayo si Haring David at umupo sa may pintuan ng lungsod. Nang malaman ito ng buong hukbo, nagtipon silang lahat sa kanya.

Bumalik si David sa Jerusalem

Samantala, tumakas pauwi ang mga sundalo ng Israel na mga tauhan ni Absalom.

9Nagtalo-talo ang mga tao sa buong Israel. Sinabi nila, “Iniligtas tayo ni Haring David sa ating mga kaaway, at pinalaya niya tayo sa kamay ng mga Filisteo. Subalit ngayoʼy umalis siya sa ating bayan para takasan si Absalom.

10Pinili nating maging hari si Absalom, pero napatay naman siya sa labanan. Bakit wala tayong ginagawa upang mapabalik natin si David bilang hari?”

11-12Nang mabalitaan ni Haring David ang pinag-usapan nila, nagpadala siya ng mensahe sa mga paring sina Sadoc at Abiatar. Sinabi niya sa kanila, “Sabihin nʼyo ito sa mga tagapamahala ng Juda: ‘Nabalitaan kong gusto ng inyong mga mamamayan na ibalik ako bilang hari, at kayo pa ang huling nagpasya na pabalikin ako sa aking trono? Hindi baʼt mga kamag-anak at kalahi ko kayo?’

13At sabihin nʼyo rin ito kay Amasa, ‘Dahil kalahi kita, gagawin kitang kumander ng mga sundalo ko kapalit ni Joab. Kung hindi ko ito gagawin, parusahan sana ako nang matindi ng Diyos.’ ”

14Napapayag ni David ang mga taga-Juda at nagkaisa sila sa kanilang desisyon. At ipinasabi nila kay David, “Bumalik po kayo rito at ang lahat ng tauhan ninyo.”

15Habang pabalik si Haring David, sinalubong siya ng mga mamamayan ng Juda roon sa Ilog Jordan. Ang mga taong itoʼy nagtipon sa Gilgal upang samahan siya sa pagtawid sa ilog.

16Nagmamadaling sumáma sa pagsalubong kay Haring David si Shimei na anak ni Gera, isang Benjaminita galing Bahurim.

17May kasama siyang isang libong Benjaminita, kasama na rito si Ziba na katiwala ng sambahayan ni Saul, at ang labinlima nitong anak na lalaki at dalawampung utusan. Nagmamadali silang pumunta sa Ilog Jordan, sa kinaroroonan ni Haring David.

18Tumawid sila sa mababaw na bahagi ng ilog para tulungan ang hari at ang sambahayan niya sa pagtawid ng ilog, at para gawin ang anumang gustuhin ng hari.

Pinatawad ni David si Shimei

Nang patawid pa lang ng Ilog Jordan si Haring David, nagpatirapa si Shimei sa harapan niya bilang paggalang,

19at sinabi, “Mahal na Hari, patawarin nʼyo po ako. Kalimutan nʼyo na po sana ang masamang ginawa ko sa inyo noong umalis kayo sa Jerusalem.

20Inaamin ko po na nagkasala ako, Mahal na Hari. Kaya nga nauna akong dumating dito kaysa sa ibang mga lahi sa hilaga upang salubungin kayo.”[#19:20 : Sa literal, ang buong lahi ni Jose.]

21Pagkatapos, sinabi ni Abisai na anak ni Zeruias, “Hindi baʼt dapat patayin si Shimei dahil isinumpa niya ang piniling hari ng Panginoon ?”

22Ngunit sinabi ni David, “Kayong mga anak ni Zeruias, ano ang pakialam nʼyo? Huwag na ninyong salungatin ang desisyon ko. Ako na ngayon ang hari ng Israel, at walang taong papatayin sa Israel sa araw na ito.”

23Kaya sinabi ng hari kay Shimei, “Isinusumpa ko na hindi ka papatayin.”

24-25Pumunta rin doon si Mefiboset na apo ni Saul upang salubungin si Haring David. Galing siya sa Jerusalem. Hindi pa siya nakakapaghugas ng paa, nakakapag-ahit ng balbas, at nakakapagpalit ng damit niya mula nang umalis si David sa Jerusalem hanggang sa matagumpay na nakabalik ito. Nang makarating siya roon, tinanong siya ni David, “Mefiboset, bakit hindi ka sumáma sa akin?”

26Sumagot siya, “Mahal na Hari, alam ninyong lumpo ako. Sinabihan ko ang utusan kong si Ziba na ihanda ang asno upang makasakay ako at makasama sa inyo ngunit trinaydor niya ako.

27At siniraan niya po ako sa inyo, mahal na hari. Ngunit nalalaman po ninyo ang totoo dahil katulad kayo ng anghel ng Diyos, kaya gawin nʼyo po kung ano ang sa tingin ninyo ay mabuti.

28Nararapat lamang na patayin ninyo ang buong angkan ng aking lolo, mahal na hari, ngunit binigyan nʼyo po ako ng karapatang kumain kasama ninyo. Kaya wala na po akong karapatan pang humingi sa inyo ng pabor.”

29Sinabi ni Haring David sa kanya, “Huwag na nating pag-usapan ito. Nakapagdesisyon na akong paghatian nʼyo ni Ziba ang lupain ni Saul.”

30Sinabi ni Mefiboset sa hari, “Ibigay nʼyo na lang po sa kanya lahat. Kontento na akong nakauwi kayo nang ligtas.”

Ang Kabaitan ni David kay Barzilai

31Gayundin ang isang lalaking Barzilai na taga-Gilead galing sa Rogelim. Gusto rin niyang tumulong kina Haring David sa pagtawid sa Ilog Jordan.

32Matanda na si Barzilai; walumpung taóng gulang na siya. Mayaman siya at siya ang nagbibigay ng mga kailangan ni Haring David noong doon pa ito nakatira sa Mahanaim.

33Sinabi sa kanya ni Haring David, “Sumama kang tumawid sa akin at manirahan ka na rin sa Jerusalem. Ako ang bahala sa iyo roon.”

34Ngunit sumagot si Barzilai, “Hindi na po magtatagal ang buhay ko, bakit pa ako sasáma sa inyo sa Jerusalem?

35Ako po ay walumpung taóng gulang na, at hindi ko na malaman ang ipinagkaiba ng masarap at hindi masarap. Hindi ko na malasahan ang kinakain at iniinom ko. Hindi ko na marinig ang mga umaawit. Magiging pabigat lang ako sa inyo, mahal na hari.

36Maliit na bagay lang po ang paghahatid ko sa inyo sa kabila ng ilog Jordan, bakit kailangan nʼyo pa akong gantihan ng ganitong gantimpala?

37Uuwi na lang po ako, upang kapag namatay ako, doon ako mamamatay sa sarili kong bayan, kung saan inilibing ang aking mga magulang. Narito ang anak kong si Kimham na magsisilbi sa inyo. Isama nʼyo po siya, mahal na hari at gawin nʼyo po kung ano sa tingin ninyo ang makakabuti sa kanya.”

38Sumagot ang hari, “Isasama ko siya at gagawin ko sa kanya ang anumang kabutihang gagawin ko sana saʼyo, at gagawin ko ang anumang hilingin mo sa akin.”

39Niyakap ni Haring David si Barzilai at binasbasan. Pagkatapos, tumawid ang hari at ang mga tauhan niya sa Ilog Jordan, at bumalik naman si Barzilai sa bahay niya.

40Nang makatawid na si Haring David, pumunta siya sa Gilgal kasama si Kimham at ang buong hukbo ng Juda at kalahati ng hukbo ng Israel.

41Nagpunta ang buong hukbo ng Israel sa hari at nagreklamo kung bakit ang mga kadugo nilang taga-Juda ang nanguna sa pagpapatawid sa kanya at sa sambahayan niya, at sa lahat ng tauhan niya.

42Sumagot ang mga taga-Juda sa mga sundalo ng Israel, “Ginawa namin ito dahil ang hari ay malapít naming kamag-anak. Bakit kayo nagagalit? Nakatanggap ba kami ng pagkain o anumang regalo galing sa kanya? Hindi!”

43Sumagot ang mga taga-Israel, “Sampu kaming lahi ng Israel kaya sampung beses ang karapatan namin sa hari kaysa sa inyo. Bakit ang baba ng tingin nʼyo sa amin? Hindi baʼt kami ang unang nagsabi na pabalikin natin ang ating hari?”

Ngunit ayaw magpaawat ng mga taga-Juda, at masasakit na salita ang isinasagot nila sa mga taga-Israel.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.