The chat will start when you send the first message.
1Tandaan mo ito: Magiging mahirap ang mga huling araw,
2dahil magiging makasarili ang mga tao, sakim sa salapi, mayabang, mapagmataas, mapanlait, masuwayin sa magulang, walang utang na loob, at hindi maka-Diyos.
3Wala silang pagmamahal sa kapwa, ayaw nilang makipagkasundo sa kaaway nila, malupit, walang awa, mapanira sa kapwa, walang pagpipigil sa sarili, at galit sa anumang mabuti.
4Hindi lang iyan, mga taksil sila, mapusok, mapagmataas, mahilig sa kalayawan, sa halip na maibigin sa Diyos.
5Ipinapakita nilang maka-Diyos sila ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa buhay nila. Iwasan mo ang mga taong ganito.
6May ilan sa kanilang gumagawa ng paraan para makapasok sa mga tahanan at manloko ng mga babaeng mahihina ang loob, na lulong na sa kasalanan at alipin ng sari-saring pagnanasa.
7Nais laging matuto ng mga babaeng ito, pero hindi nila mauunawaan ang katotohanan kailanman.
8Ang pagsalungat sa katotohanan ng mga lalaking nangangaral sa kanila ay gaya ng pagsalungat nina Janes at Jambres kay Moises. Hindi matino ang pag-iisip nila, at ang sinasabi nilang pananampalataya ay walang kabuluhan.
9Ngunit hindi rin magpapatuloy ang ginagawa nila dahil mahahalata ng lahat ang kahangalan nila, gaya ng nangyari kina Jannes at Jambres.
10Ngunit ikaw, Timoteo, alam mo lahat ang itinuturo ko, ang aking pamumuhay, layunin, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at pagtitiis.
11Alam mo rin ang mga dinanas kong pag-uusig at paghihirap, katulad ng nangyari sa akin sa Antioquia, Iconio at Listra. Ngunit iniligtas ako ng Panginoon sa lahat ng mga iyon.
12Ang totoo, lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang alagad ni Kristo Hesus ay daranas ng pag-uusig.
13Ang masasama at manlilinlang namaʼy lalo pang sásama at patuloy na manlilinlang. Maging sila mismoʼy malilinlang.
14Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na natutunan mo at pinanaligan, dahil alam mo kung kanino mo ito natutunan.
15Mula pa sa pagkabata, alam mo na ang Banal na Kasulatan, na nakapagbibigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Hesus.
16Lahat ng Kasulatan ay isinulat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, at mapapakinabangan sa pagtuturo ng katotohanan, pagsasaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa matuwid na pamumuhay,
17upang maging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawa ang naglilingkod sa Diyos.