The chat will start when you send the first message.
1Nang ikatlong taon ng paghahari ni Ciro sa Persia, may ipinahayag na mensahe kay Daniel na tinatawag ding Beltesazar. Totoo ang pahayag at tungkol ito sa malaking digmaan. Naunawaan ni Daniel ang pahayag dahil ipinaliwanag ito sa kanya sa pamamagitan ng isang pangitain.
2Nang panahong iyon, akong si Daniel, ay nagluksa sa loob ng tatlong linggo.
3Hindi ako kumain ng masarap na pagkain, ni tumikim ng karne o uminom ng alak, at hindi rin ako nagpabango ng katawan hanggang hindi natatapos ang tatlong linggo.
4Nang ikadalawampuʼt apat na araw ng unang buwan, habang nakatayo ako sa tabi ng malawak na Ilog ng Tigris.
5May nakita ako doon na parang tao na nakadamit ng telang lino at may tali sa baywang na puro ginto mula sa Upaz.
6Ang katawan niya ay kumikinang na parang mamahaling bato. Ang kanyang mukha ay kumikislap na parang kidlat, at ang kanyang mga mata ay nagliliyab na parang sulo. Ang kanyang mga kamay at mga paa ay kumikinang na parang makinis na tanso, at ang kanyang tinig ay parang ingay ng napakaraming tao.
7Akong si Daniel lang talaga ang nakakita ng pangitaing iyon. Hindi iyon nakita ng aking mga kasama, pero nagsipagtago sila dahil sa takot.
8Kaya naiwan akong nag-iisa at ako lang ang nakakita ng kamangha-manghang pangitaing iyon. Namutla ako at nawalan ng lakas.
9Narinig kong nagsasalita ang taong iyon. At habang nagsasalita siya, nawalan ako ng malay at nasubsob sa lupa.
10Hinawakan at tinulungan niya ako habang nanginginig pa ang aking mga kamay at mga tuhod.
11Sinabi niya, “Daniel, mahal ka ng Diyos. Tumayo ka at makinig nang mabuti sa sasabihin ko sa iyo, dahil isinugo ako ng Diyos dito sa iyo.” Pagkasabi niya noon, nanginginig akong tumayo.
12Sinabi niya sa akin, “Daniel, huwag kang matakot. Sapagkat sa unang araw pa lamang ng iyong pagpapakumbaba sa Diyos at sa hangad mong maunawaan ang pangitain, sinagot na ang iyong dalangin. Kaya pumarito ako upang dalhin ang kasagutan sa iyong dalangin.
13Ngunit hindi ako nakarating agad dito dahil sa loob ng dalawampuʼt isang araw ay hinadlangan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia. Mabuti na lang at tinulungan ako ni Miguel na pinuno ng mga anghel dahil ako lang ang nakikipaglaban sa pinuno ng Persia.[#10:13 : Ang tinutukoy dito ay isang masamang anghel na nagbabantay o tumutulong sa kaharian ng Persia.]
14Narito ako ngayon upang ipaliwanag sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong mga kababayang Israelita sa hinaharap, dahil ang iyong pangitain ay tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap.”
15Habang nagsasalita siya sa akin, napayuko na lang ako at hindi nakapagsalita.
16Hinipo ako sa bibig nitong parang tao, at nakapagsalita akong muli. Sinabi ko sa kanya na nakatayo sa aking harapan, “Ginoo, nabagabag po ako at nawalan ng lakas dahil sa pangitaing nakita ko.
17Paano ako makikipag-usap sa inyo gayong wala na akong lakas at halos hindi na ako makahinga?”
18Kaya muli niya akong hinipo at bumalik ang aking lakas.
19Sinabi niya sa akin, “Ikaw na mahal ng Diyos, huwag kang matakot o mag-alala. Magpakalakas at magpakatatag ka.” Nang masabi niya ito sa akin, muli akong lumakas. Sinabi ko sa kanya, “Ituloy po ninyo ang pagsasalita, dahil pinalakas nʼyo na ako.”
20Sumagot siya, “Kinakailangang bumalik ako sa pakikipaglaban sa pinuno ng Persia. Pagkatapos, darating naman ang pinuno ng Gresya. Ngunit alam mo ba kung bakit ako pumarito sa iyo?[#10:20 : Ang tinutukoy dito ay isang masamang anghel na nagbabantay o tumutulong sa kaharian ng Gresya.]
21Naparito ako upang ipaliwanag sa iyo ang nakasulat sa Aklat ng Katotohanan. (Sa aking pakikipaglaban, walang ibang tumulong sa akin kundi si Miguel lamang, ang pinuno ng Israel.)[#10:21 : Ang tinutukoy dito ay isang mabuting anghel na nagbabantay o tumutulong sa kaharian ng Israel.]