The chat will start when you send the first message.
1At bumalik tayo at pumunta sa ilang patungo sa Dagat na Pula, ayon sa iniutos ng Panginoon sa akin. At sa matagal na panahon, nagpaikot-ikot tayo sa kaburulan ng Seir.
2Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon ,
3“Matagal na kayong nagpapaikot-ikot sa kaburulang ito. Ngayon, dumiretso kayo sa hilaga.
4Sabihin mo sa mga tao, ‘Dadaan kayo sa teritoryo ng inyong mga kamag-anak na mga lahi ni Esau, na naninirahan sa Seir. Matatakot sila sa inyo, ngunit mag-ingat kayo sa kanila.
5Huwag nʼyo silang pakikialaman, dahil ibinigay ko na sa kanila ang mga kaburulan ng Seir bilang kanilang ari-arian, at ni kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo.
6Babayaran ninyo ng pilak ang pagkain at inuming manggagaling sa kanila.’ ”
7Sapagkat pinagpala ng Panginoon na inyong Diyos ang lahat ng mga ginawa ninyo. Binantayan niya kayo sa inyong paglalakbay sa malawak na ilang na ito. Sa loob ng apatnapung taon, sinamahan niya kayo at hindi kayo kinulang ng mga bagay na kailangan ninyo.
8Kaya dumaan tayo sa ating mga kadugo na lahi ni Esau, na naninirahan sa Seir. Hindi tayo dumaan sa daan ng Araba, na nanggagaling sa mga bayan ng Elat at Ezion-geber.[#2:8 : Jordan.]
Nang naglalakbay na tayo sa daan sa ilang ng Moab,
9sinabi sa akin ng Panginoon , “Huwag ninyong guguluhin o lulusubin ang mga Moabita na lahi ni Lot, dahil ibinigay ko sa kanila ang Ar bilang lupain nila, at ni kapiraso ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo bilang ari-arian.”
10(Noong una, naninirahan sa Ar ang marami at malalakas na tao na tinatawag na Emita. Silaʼy matatangkad katulad ng mga lahi ni Anak.
11Tinatawag din silang Refaim katulad ng mga lahi ni Anak, ngunit tinatawag silang Emita ng mga Moabita.
12Sa Seir dati nakatira ang mga Horeo, ngunit pinalayas sila ng mga lahi ni Esau, at sila na ang nanirahan doon, katulad ng ginawa ng mga Israelita sa mga Cananeo sa lupaing ibinigay ng Panginoon bilang ari-arian nila.)
13Pagkatapos, iniutos ng Panginoon , “Humayo kayo at tumawid sa lambak ng Zered.” Kaya tinawid natin ang Lambak ng Zered.
14Itoʼy pagkalipas ng tatlumpuʼt walong taon mula noong umalis tayo sa Kades-barnea at makatawid sa Lambak ng Zered. Nang mga panahong iyon, namatay na ang mga sundalong Israelita sa henerasyong iyon, ayon sa isinumpa ng Panginoon sa kanila.
15Pinarusahan sila ng Panginoon sa loob ng kampo hanggang sa tuluyang malipol silang lahat.
16Nang pumanaw na ang lahat ng sundalo,
17sinabi sa akin ng Panginoon ,
18“Sa araw na ito, tumawid kayo sa hangganan ng Moab sa Ar.
19Kapag nakarating na kayo sa mga Amonita, na mga lahi ni Lot, huwag ninyo silang guguluhin o lulusubin dahil ibinigay kong ari-arian sa kanila ang lupaing iyon, at hindi ko kayo bibigyan kahit na maliit na bahagi nito.”
20(Ang lupaing iyon ay kilala rin noong una bilang lupain ng mga Refaim, ngunit tinawag silang Zamzumeo ng mga Amonita.
21Napakarami nila at napakalalakas, at matatangkad katulad ng mga lahi ni Anak. Subalit pinuksa sila ng Panginoon at silaʼy itinaboy ng mga Amonita at sinakop ang kanilang lupain.
22Ito rin ang ginawa ng Panginoon sa mga lahi ni Esau na nakatira sa Seir; pinagpapatay niya ang mga Horeo at itinaboy para makapanirahan ang mga lahi ni Esau sa kanilang lupain. Hanggang ngayon, naninirahan pa rin sila sa lupaing iyon.
23Ito rin ang nangyari nang sinalakay ng taga-Caftor ang mga taga-Avim na naninirahan sa mga baryo ng Gaza. Nilipol nila ang mga taga-Aveo at tinirhan ang lupain ng mga ito.)[#2:23 : O Crete.]
24“Ngayon, tumawid na kayo sa Lambak ng Arnon. Ibinibigay ko sa inyo ang Amoreong si Haring Sihon ng Hesbon, at ang kanyang lupain. Salakayin ninyo siya at angkinin ang kanyang lupain.
25Mula ngayon, loloobin kong matakot sa inyo ang lahat ng bansa sa buong mundo. Manginginig sa takot ang makakarinig ng tungkol sa inyo.”
26Kaya noong naroon tayo sa ilang ng Kedemot, nagsugo ako ng mga mensahero kay Haring Sihon ng Hesbon upang sabihin sa kanya ang mensaheng para sa kapayapaan. Sabi ko,
27“Kung maaari, payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain. Sa pangunahing daan lamang kami dadaan, hindi kami lilihis ng daan.
28Babayaran namin ng pilak ang aming makakain at maiinom. Ang pakiusap lang namin sa inyo, payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain
29katulad ng ginawa ng mga lahi ni Esau na naninirahan sa Seir at ng mga Moabita na naninirahan sa Ar. Payagan nʼyo kaming dumaan hanggang sa makatawid kami sa Ilog Jordan papunta sa lupaing ibinibigay sa amin ng Panginoon naming Diyos.”
30Ngunit hindi pumayag si Haring Sihon ng Hesbon na padaanin tayo dahil pinatigas ng Panginoon na inyong Diyos ang kanyang puso para ibigay niya siya sa ating mga kamay, kagaya ng ginawa niya ngayon.
31Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa akin, “Ito na ang simula ng pagbagsak ni Sihon dahil ipagkakaloob ko siya at ang kanyang kaharian sa inyo. Simulan na ninyong sakupin at angkinin ang kanyang lupain.”
32Nang nakikipaglaban si Sihon at ang kanyang mga sundalo sa atin doon sa Jahaz,[#2:32 : O mga tao. Ganito rin sa talata 33|DEU 2:33.]
33ibinigay siya ng Panginoon na ating Diyos sa atin at pinatay natin siya, pati ang mga anak niya at ang lahat ng sundalo niya.
34Nang panahong iyon, sinakop natin ang lahat ng kanyang bayan at nilipol sila nang lubusan – mga lalaki, babae at mga bata. Wala tayong itinirang buhay.[#2:34 : O nilipol sila nang lubusan bilang handog sa .]
35Dinala natin ang kanilang mga hayop at mga ari-ariang nasamsam natin mula sa kanilang mga bayan.
36Tinulungan tayo ng Panginoon na ating Diyos sa pag-agaw sa Aroer, ang lugar sa tabi ng Lambak ng Arnon at ng mga bayan sa paligid ng lambak na ito, at ng mga lugar hanggang sa Gilead. Walang bayang may matibay na mga pader ang hindi natin kayang pasukin.
37Ngunit hindi tayo lumapit sa kahit aling lupain ng mga Amonita, gaya ng iniutos sa atin ng Panginoon na ating Diyos, kahit sa Lambak ng Jaboc o sa mga bayan sa palibot ng mga kaburulan.