The chat will start when you send the first message.
1Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, kumuha ka ng matalim na espada at gamitin mong pang-ahit ng iyong buhok at balbas. Pagkatapos, timbangin mo ang buhok moʼt balbas at hatiin ito sa tatlong bahagi.
2Kapag ang mga araw ng pagkubkob ay natapos na, sunugin mo ang ikatlong bahagi ng buhok sa loob ng lungsod. Kunin mo ang isa pang bahagi at tadtarin mo ng iyong espada habang nililibot mo ang lungsod. At ang natitirang ikatlong bahagi ay isaboy mo sa hangin dahil ikakalat ko ang aking mga mamamayan sa pamamagitan ng espada.
3Ngunit magtira ka ng kaunting buhok at balutin mo ito ng iyong damit.
4Kumuha ka ng iilan at sunugin mo sa apoy. Mula rito, kakalat ang apoy at masusunog ang buong Israel.
5“Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabi na ito ang kahihinatnan ng Jerusalem, ang lungsod na ginawa kong pinakasentro sa buong daigdig.
6Nilabag niya ang mga utos ko at naging mas masama pa kaysa sa ibang mga bansang nasa palibot nito. Itinakwil niya ang mga utos at mga tuntunin ko.
7Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay nagsasabi: Kayong mga taga-Jerusalem, mas masama pa kayo kaysa sa mga bansang nasa palibot ninyo. Hindi ninyo sinunod ang mga utos at mga tuntunin ko, o sinunod man ang mga tuntunin ng mga bansang nasa palibot ninyo.[#5:7 : Ganito sa karamihan sa tekstong Hebreo. Ngunit sa ibang mga tekstong Syriac, sinunod mo. Tingnan din sa 11:12.]
8Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay laban sa inyo. Parurusahan ko kayo sa harap ng mga bansa.
9Sapagkat kasuklam-suklam ang mga ginagawa ninyo, gagawin ko sa inyo ang hindi ko pa nagagawa at hindi ko na ito gagawin pa pagkatapos.
10Kakainin ng mga magulang ang mga anak nila at kakainin naman ng mga anak ang mga magulang nila. Parurusahan ko kayo at ang natitira pa sa inyo ay pangangalatin ko sa buong daigdig.
11Ako, ang buháy na Makapangyarihang Panginoon , ay sumusumpang lilipulin ko kayo. Hindi ko kayo kahahabagan dahil dinungisan ninyo ang aking Templo sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyos-diyosan at paggawa ng kasuklam-suklam na mga bagay.
12Hahatiin ko kayo sa tatlo. Ang unang bahagi ay mamamatay sa gutom at sakit sa lungsod. Ang ikalawang bahagi ay mamamatay sa labas ng lungsod sa pamamagitan ng espada. At ang ikatlong bahagi ay pangangalatin ko sa buong daigdig at patuloy kong uusigin.[#5:12 : Sa literal, hahabulin ko sila ng espada.]
13“Kapag nangyari na ito, huhupa na ang matindi kong galit, at makakaganti na ako sa inyo. Kapag naipadama ko na ito sa inyo, malalaman ninyo na ako ang Panginoong nakipag-usap sa inyo dahil sa labis kong pagkapoot.
14Wawasakin ko ang inyong lungsod at kukutyain kayo ng mga bansang nakapalibot sa inyo at ng mga taong dumadaan sa lugar ninyo.
15Hihiyain, kukutyain, at pandidirian kayo ng mga bansa sa paligid ninyo dahil sa nangyari sa inyo. Magiging babala kayo sa kanila sa panahon ng aking pagpaparusa sa inyo dahil sa matindi kong galit. Ako, ang Panginoon , ang nagsasabi nito.
16Padadalhan ko kayo ng taggutom na parang pana na pupuksa sa inyo. Titindi nang titindi ang taggutom hanggang sa wala na kayong makain.
17Maliban sa taggutom, padadalhan ko rin kayo ng malulupit na hayop at lalapain nila ang mga anak ninyo. Mamamatay din kayo sa sakit at mga digmaan,” sabi ng Panginoon .