Genesis 23

Ang Pagkamatay ni Sara

1Nabuhay si Sara ng 127 taon.

2Namatay siya sa Kiriat-arba (na tinatawag ding Hebron) sa lupain ng Canaan. Labis ang paghihinagpis ni Abraham sa pagkamatay niya.

3Ngayon, iniwan muna ni Abraham ang bangkay ng kanyang asawa at nakipagkita siya sa mga Heteo at sinabi sa kanila,

4“Akoʼy isang dayuhan at nakikitira lang sa inyo, kaya pagbilhan sana ninyo ako ng lupa na maaari kong paglibingan ng aking asawa.”

5Sumagot ang mga Heteo kay Abraham,

6“Panginoon ko, makinig po muna kayo sa sasabihin namin. Kilala namin kayo bilang isang dakilang pinuno, kaya ilibing ninyo ang inyong asawa sa pinakamagandang libingan namin. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa inyo ng kanyang libingan upang mailibing ninyo ang inyong asawa.”

7Yumukod agad si Abraham sa harapan ng mga Heteo.

8Pagkatapos, sinabi niya, “Kung payag kayo na rito ko ilibing ang asawa ko, tulungan nʼyo ako na kausapin si Efron na anak ni Zohar

9upang ibenta niya sa akin ang kuweba niya na nasa tabi ng bukid niya sa Macpela. Sabihin ninyo sa kanya na babayaran ko siya sa tamang halaga rito mismo sa harapan ninyo upang maging akin ito at gawing libingan.”

10Naroon din si Efron na nakaupo kasama ng mga kababayan niyang Heteo. Kaya sumagot siya kay Abraham na naririnig ng lahat ng Heteo na nagtitipon doon sa pintuan ng lungsod.

11Sinabi niya, “Hindi po, panginoon ko. Pakinggan nʼyo ako, sa harap ng mga kababayan ko ay ibinibigay ko sa iyo ang buong bukirin pati na ang kuweba. Kaya maaari mo nang ilibing ang asawa mo.”

12Muling yumukod si Abraham sa harapan ng mga Heteo.

13Kaya sinabi niya kay Efron sa pandinig ng lahat, “Makinig kayo sa akin. Babayaran ko ang halaga ng bukirin. Tanggapin mo ang bayad ko upang mailibing ko na doon ang asawa ko.”

14Sumagot si Efron kay Abraham,

15“Panginoon ko, ang lupa ay nagkakahalaga ng apatnaraang pirasong pilak. Ngunit ano naman iyon sa ating dalawa. Sige, ilibing mo na ang iyong asawa.”

16Pumayag si Abraham sa halagang sinabi ni Efron. Kaya nagkilo siya ng apatnaraang pirasong pilak ayon sa bigat na pinagbabasehan noon ng mga mangangalakal at ibinayad niya ito kay Efron sa harap ng mga Heteo.

17Kaya inilipat ang bukid na iyon ni Efron sa Macpela, sa silangan ng Mamre, pati na ang kuweba at ang mga punongkahoy sa paligid ng bukid

18kay Abraham bilang kanyang pag-aari. Saksi ang lahat ng mga Heteo na nagtipon doon sa pintuan ng lungsod.

19Inilibing agad ni Abraham si Sara sa kuwebang nasa bukid ng Macpela, na sakop ng lupain ng Canaan. Ang Macpela ay malapit sa Mamre na siyang Hebron.

20Kaya ang bukid pati ang kuweba, na dating pagmamay-ari ng mga Heteo ay naging kay Abraham na at ginawa niya itong libingan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.