1Pagkatapos ng mga nangyaring ito, nagkasala sa hari ng Ehipto ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at pinuno ng mga panadero.
2Lubhang nagalit ang hari sa dalawa niyang opisyal na ito.
3Kaya ipinabilanggo niya ang mga ito sa bahay ng kapitan ng mga guwardiya sa palasyo kung saan naroon din si Jose nakabilanggo.
4Si Jose ang naatasang katiwala ng kapitan ng mga guwardiya na naglingkod sa kanila.
Nang matagal na silang nagkasama sa bilangguan,
5parehong nanaginip ang tagasilbi ng alak at ang panadero ng hari ng Ehipto. Ang bawat panaginip ay may kanya-kanyang kahulugan.
6Kinaumagahan, pagpunta ni Jose sa kanila, nakita niyang nanlulupaypay sila.
7Kaya tinanong niya sila, “Bakit kayo malungkot?”
8Sumagot sila, “Nanaginip kasi kami ngunit walang makapagpaliwanag ng kahulugan nito.”
Sinabi ni Jose, “Ang Diyos ang nagbibigay ng kaalaman sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng mga panaginip. Sige, sabihin nʼyo sa akin kung ano ang mga panaginip ninyo.”
9Kaya sinabi ng pinuno ng tagasilbi ng alak ang kanyang panaginip. Sinabi niya, “Nanaginip ako na may isang puno ng ubas sa aking harapan
10at itoʼy may tatlong sanga. Tumubo ito, namulaklak, at nahinog ang mga bunga.
11Nakahawak daw ako sa saro ng Faraon at pumitas ng ubas, at piniga ko agad sa saro. Pagkatapos, ibinigay ko ang saro sa hari.”
12Sinabi ni Jose, “Ito ang kahulugan ng panaginip mo: Ang tatlong sanga ay nangangahulugan ng tatlong araw.
13Hindi matatapos ang tatlong araw, palalabasin ka ng Faraon sa bilangguan at pababalikin ka sa trabaho mo bilang tagasilbi ng kanyang alak.
14Nawaʼy alalahanin mo ako kapag nasa mabuti ka nang kalagayan. At bilang pagpapakita ng kabutihan mo sa akin, banggitin mo rin ako sa Faraon upang matulungan mo akong makalabas sa bilangguan.
15Sapagkat ang totoo, sapilitan lang akong dinala rito mula sa lupain ng mga Hebreo, at kahit dito ay wala rin akong nagawang kasalanan upang ibilanggo ako.”
16Nang marinig ng pinuno ng mga panadero na maganda ang kahulugan ng panaginip, isinalaysay din niya ang panaginip niya kay Jose. Sinabi niya, “Nanaginip din ako na may dala-dala ako sa ulo ko na tatlong kaing na may mga laman na tinapay.
17Ang ibabaw ng kaing ay may laman na ibaʼt ibang uri ng tinapay para sa Faraon, ngunit tinuka ito ng mga ibon.”
18Sinabi ni Jose, “Ito ang kahulugan ng panaginip mo: Ang tatlong kaing ay nangangahulugan ng tatlong araw.
19Hindi matatapos ang tatlong araw, palalabasin ka ng Faraon sa bilangguan ngunit ibibitin ang bangkay mo sa kahoy, at tutukain ito ng mga ibon.”
20Dumating ang ikatlong araw at ito ay kaarawan ng Faraon. Kaya nagpahanda siya para sa lahat ng opisyal niya. Pinalabas niya sa bilangguan ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at ang pinuno ng mga panadero niya, at pinaharap sa kanyang mga opisyal.
21Ibinalik niya ang pinuno ng mga tagasilbi ng alak sa kanyang trabaho.
22Ngunit ibinitin ang pinuno ng mga panadero, gaya ng sinabi ni Jose sa kanila.
23Ngunit hindi naalala ng pinuno ng mga tagasilbi ng alak si Jose.