The chat will start when you send the first message.
1Sinabi ni Habakuk, “Aakyat ako sa tore,
sa aking bantayan
at hihintayin ko kung ano ang sasabihin
sa akin ng Panginoon
at kung ano ang kanyang sagot
sa aking hinaing.”
2Ito ang sagot ng Panginoon
kay Habakuk:
“Isulat mo nang malinaw
sa malalapad na bato
ang pahayag na ito
upang madaling basahin
ng magpapahayag nito.
3Sapagkat hindi pa dumarating
ang takdang panahon
para mangyari ito.
Ngunit hindi magtatagal
at tiyak na mangyayari ito.
Kahit magtagal nang kaunti,
hintayin mo lang,
dahil tiyak na mangyayari ito
sa takdang panahon.
4“Tingnan mo ang mga taong mapagmataas.
Hindi matuwid ang kanilang pamumuhay.
Ngunit ang taong matuwid ay mabubuhay
dahil sa kanyang pananampalataya.
5Ang totoo,
hindi maaasahan ang kayamanan.
At ang mga taong mapagmataas
na sakim sa kayamanan
ay laging balisa at walang kasiyahan.
Tulad nilaʼy kamatayan na hindi makukuntento.
Kaya binibihag nila ang maraming bansa.
6“Ngunit kukutyain sila ng mga bansang iyon sa pamamagitan ng mga salitang ito,
‘Nakakaawa naman kayo,
kayong nangunguha
ng mga bagay na hindi sa inyo
at nagpapayaman sa pamamagitan
ng pandaraya.
Hanggang kailan pa ninyo ito gagawin?’
7Biglang dadating ang inyong
mga inutangan.
Sasalakayin nila kayo at sasamsamin
ang lahat ng inyong ari-arian,
habang nanginginig kayo sa takot
at walang kalaban-laban.
8Dahil maraming bansa
ang sinamsaman ninyo
ng mga ari-arian,
kayo naman ang sasamsaman
ng mga natitirang tao
sa mga bansang iyon.
Mangyayari ito sa inyo
dahil sa inyong pagpatay ng mga tao
at pamiminsala sa kanilang mga lupain
at mga bayan.
9“Nakakaawa kayo,
kayong nagpapatayo ng mga bahay
sa pamamagitan
ng perang nakuha ninyo
sa masamang paraan.
Pinatitibay ninyo ang inyong mga bahay
upang makaligtas kayo
kapag dumating ang kapahamakan.
10Dahil sa pagpatay ninyo
ng maraming tao,
kayo rin ay papatayin
at wawasakin ang inyong mga bahay.
11Ang mga bato sa pader
ay sisigaw laban sa inyo,
at sa mga biga ng bahay
ay aalingawngaw ang mga hinaing.
12“Nakakaawa kayo,
kayong nagpapatayo ng lungsod
sa pamamagitan ng pagdanak ng dugo.
Handa kayong pumatay
upang itoʼy maitayo.
13Ngunit ang mga ipinatayo ninyo
sa mga taong binihag ninyo
ay susunugin lang,
kaya mawawalan ng kabuluhan
ang inyong pinagpaguran.
Itinakda na iyan ng Panginoon
ng mga Hukbo.
14Sapagkat kung paanong ang karagatan
ay puno ng tubig,
ang lahat ng tao sa mundo
ay mapupuno rin ng kaalaman
tungkol sa kadakilaan ng Panginoon .
15“Kahabag-habag kayong mga nagpapainom
sa inyong kapwa,
ibinubuhos ninyo ang alak
hanggang silaʼy malasing
upang makita ninyo silang huboʼt hubad.
16Ngayon kayo naman ang ilalagay
sa kahihiyan sa halip na parangalan,
dahil parurusahan kayo
ng Panginoon .
Kayo naman ang paiinumin niya
sa tasa ng kanyang galit,
at kapag lasing na kayo,
makikita ang inyong kahubaran
at malalagay kayo sa kahihiyan.
17Pinutol ninyo ang mga puno sa Lebanon,
at dahil dito,
namatay ang mga hayop doon.
Kaya ngayon,
kayo naman ang pipinsalain
at manginginig sa takot.
Mangyayari ito sa inyo
dahil sa pagpatay ninyo ng mga tao
at pagpinsala sa kanilang mga lupain
at mga bayan.
18“Ano ang kabuluhan
ng mga diyos-diyosan?
Ang mga itoʼy gawa
ng mga tao lamang,
mga imaheng nagtuturo
ng kasinungalingan.
At bakit nagtitiwala dito
ang taong may gawa sa kanya?
Ni hindi nga ito makapagsalita.
19Nakakaawa kayong nagsasabi
sa rebultong kahoy o bato,
‘Gumising ka at tulungan kami.’
Ni hindi nga iyan
makapagtuturo sa inyo.
At kahit pa balot iyan ng ginto at pilak,
wala naman itong buhay.”
20Ngunit ang Panginoon
ay nasa kanyang banal na Templo.
Kaya ang buong mundo
ay mananahimik sa kanyang harapan.