The chat will start when you send the first message.
1Noong una, nangusap ang Diyos sa mga ninuno natin sa ibaʼt ibang panahon at sari-saring paraan sa pamamagitan ng mga propeta.
2Ngunit sa mga huling araw na ito, nangusap siya sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan niya ay nilikha ng Diyos ang buong sanlibutan, at siya rin ang piniling tagapagmana ng lahat ng bagay.
3Sa Anak nakikita ang kaluwalhatian ng Diyos, at kung ano ang Diyos ay ganoon din siya. Siya ang nag-iingat sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng makapangyarihan niyang salita. Umupo siya sa kanan ng Kataas-taasang Diyos doon sa langit matapos niya tayong linisin sa ating mga kasalanan.
4Ipinapakita nitong higit na dakila ang Anak ng Diyos kaysa sa mga anghel at higit na dakila ang pangalan niya kaysa sa kanila.
5Sapagkat kailanmaʼy wala ni isa man sa mga anghel ang sinabihan ng Diyos ng ganito:
“Ikaw ang aking Anak,
at ngayon, ako na ang iyong Ama.”
At wala ring sinumang anghel na sinabihan ang Diyos ng ganito:
“Akoʼy magiging Ama niya,
at siyaʼy magiging Anak ko.”
6At nang isusugo na ng Diyos ang kanyang kaisa-isang Anak sa mundo, sinabi niya,
“Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos.”
7Ito ang sinabi ng Diyos tungkol sa mga anghel:
“Ginagawa niyang hangin
ang kanyang mga anghel,
at nagliliyab na apoy
ang kanyang mga utusan.”
8Ngunit ito naman ang sinabi ng Diyos tungkol sa kanyang Anak:
“O Diyos, ang kaharian mo
ay magpakailanman.
Ang paghahari mo
ay makatarungan.
9Kinalulugdan mo
ang gumagawa ng matuwid
at kinamumuhian mo
ang gumagawa ng masama.
Kaya pinili ka ng Diyos,
na iyong Diyos,
at binigyan ng kagalakang
higit sa ibinigay niya
sa mga kasama mo.”
10At sinabi pa niya,
“Panginoon, nang pasimula paʼy
nilikha mo ang sanlibutan
at ikaw rin ang lumikha ng kalangitan.
11Ang lahat ng ito ay may katapusan,
ngunit ikaʼy mananatili magpakailanman.
Sapagkat tulad ng damit na kumukupas,
ang mga ito ay lilipas.
12Ang mga itoʼy parang balabal
na iyong titiklupin,
at tulad ng damit
ang mga itoʼy iyong papalitan.
Ngunit ikaʼy hindi magbabago,
at mananatiling buháy magpakailanman.”
13Kailanmaʼy hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel:
“Umupo ka rito sa aking kanan
hanggang sa gawin kong iyong apakan
ang iyong mga kalaban.”
14Kung ganoon, ang mga anghel ay mga espiritung naglilingkod lang sa Diyos, at sinusugo niya upang tumulong sa mga taong tatanggap ng kaligtasan.