Mga Hebreo 7

Ang Paring si Melquizedec

1Itong si Melquizedec ay hari noon sa Salem, at pari ng Kataas-taasang Diyos. Nang pauwi na si Abraham mula sa pakikipaglaban sa mga haring nilupig niya, sinalubong siya ni Melquizedec at pinagpala.

2Pagkatapos, ibinigay sa kanya ni Abraham ang ikapu ng lahat ng nasamsam niya sa labanan. Ang kahulugan ng pangalang Melquizedec ay “hari ng katuwiran”. At dahil hari siya ng Salem, nangangahulugan na siyaʼy “hari ng kapayapaan”.[#7:2 : Ang ibig sabihin, “ikasampu o sampung porsyento.”]

3Walang naisulat tungkol sa kanyang ama at ina o maging sa mga ninuno niya. At wala ring naisulat tungkol sa kanyang kapanganakan at kamatayan. Katulad siya ng Anak ng Diyos; ang pagiging pari niyaʼy walang hanggan.

4Isipin nʼyo na lang kung gaano kadakila si Melquizedec: Kahit na si Abraham na ama ng ating lahi ay nagbigay sa kanya ng ikapu mula sa lahat ng nasamsam niya sa labanan.

5Ayon sa Kautusan ni Moises, ang mga paring mula sa lahi ni Levi ang siyang tatanggap ng ikapu mula sa mga kapwa nila Hudyo, kahit na nagmula silang lahat kay Abraham.

6Hindi kabilang si Melquizedec sa lahi ni Levi, ngunit tumanggap siya ng ikapu mula kay Abraham at pinagpala pa niya si Abraham, ang taong pinangakuan ng Diyos.

7At alam nating mas mataas ang nagpapala kaysa sa pinagpapala.

8Kung tungkol sa mga paring mula sa lahi ni Levi na tumatanggap ng ikapu, mga tao lang sila na may kamatayan. Ngunit pinatutunayan ng Kasulatan na si Melquizedec na tumanggap ng ikapu mula kay Abraham ay nananatiling buháy.

9At masasabi nating kahit si Levi, na ang angkan niya ang tumatanggap ng ikapu, ay nagbigay din ng kanyang ikapu sa pamamagitan ni Abraham.

10Sapagkat nang magbigay si Abraham kay Melquizedec, masasabi nating si Levi ay nasa katawan pa ng ninuno niyang si Abraham.

11Alam nating ang Kautusang ibinigay ng Diyos sa mga Hudyo ay batay sa pagkapari na nanggaling sa lahi ni Levi. Kung makakamtan sa pamamagitan ng mga ginagawa ng mga paring ito ang pagiging matuwid, hindi na sana kakailanganin pa ang ibang pari na katulad ng pagkapari ni Melquizedec, na iba sa pagkapari ni Aaron.

12At kung papalitan ang pagkapari, kailangan ding palitan ang Kautusan.

13-14Ang ating Panginoong Hesus na siyang tinutukoy na ipinalit sa mga pari ay kabilang sa ibang lahi, dahil malinaw na galing siya sa lahi ni Juda at hindi kay Levi. At wala pang naglingkod kahit kailan bilang pari mula sa lahi ni Juda. Sapagkat nang sabihin ni Moises kung sino ang maaaring maging pari, wala siyang sinabi tungkol sa lahi ni Juda.

Si Hesus ay Katulad ni Melquizedec

15Lalo pang naging malinaw na pinalitan na ang mga paring mula sa lahi ni Levi nang magkaroon ng ibang pari na gaya ni Melquizedec.

16Naging pari siya, hindi batay sa tuntunin ng kanyang lahi, kundi batay sa makapangyarihan niyang buhay na walang katapusan.

17Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya:

“Ikaw ay pari magpakailanman,

ayon sa pagkapari ni Melquizedec.”

18Kaya nga pinalitan na ng Diyos ang dating tuntunin dahil mahina ito at hindi makakatulong sa atin,

19sapagkat walang naging matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ito ang dahilan kung bakit tayo binigyan ngayon ng mas mainam na pag-asa, at sa pamamagitan nitoʼy makakalapit na tayo sa Diyos.

20Mas mainam ang bagong pag-asang ito dahil may kalakip itong pangako. Hindi nangako ang Diyos nang gawin niyang mga pari ang lahi ni Levi,

21ngunit nangako siya nang gawin niyang pari si Hesus. Ito ang sinasabi ng Kasulatan:

“Ipinangako ng Panginoon

na ikaw ay pari magpakailanman.

At hindi magbabago ang pasya niya.”

22Kaya si Hesus ang naging katiyakan natin sa isang mas mabuting kasunduan.

23Maraming pari noon, dahil kapag namatay ang isa, pinapalitan siya ng isa upang maipagpatuloy ang mga gawain nila bilang mga pari.

24Ngunit si Hesus ay walang kamatayan, kaya hindi naililipat sa iba ang pagkapari niya.

25Kaya maililigtas niya nang lubos ang sinumang lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, dahil nabubuhay siya magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.

26Si Hesus ang punong pari na kailangan natin dahil banal siya at walang kapintasan, walang kasalanan, hiwalay sa mga makasalanan, at itinaas nang higit pa sa kalangitan.

27Hindi siya katulad ng ibang punong pari na kailangang maghandog araw-araw para sa kasalanan niya, at pagkatapos, para naman sa mga kasalanan ng mga tao. Si Hesus ay minsan lang naghandog para sa lahat nang ialay niya ang kanyang sarili.

28Ang mga itinalagang naging punong pari ayon sa Kautusan ay may mga kahinaan. Ngunit ayon sa sinumpaan ng Diyos matapos maibigay ang Kautusan, itinalaga niya ang kanyang Anak na maging punong pari magpakailanman, dahil natupad nito ang layunin ng Diyos.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.