Isaias 20

Ang Mensahe Tungkol sa Ehipto at sa Etiopia

1Ayon sa utos ni Haring Sargon ng Asiria, sinalakay ng pinakamataas na kumander ng mga sundalo ng Asiria ang Asdod, at naagaw nila ito.

2Bago ito nangyari, sinabi ng Panginoon kay Isaias na anak ni Amoz, “Hubarin mo ang iyong damit na panluksa at tanggalin mo ang iyong sandalyas.” Ginawa ito ni Isaias, at palakad-lakad siyang nakahubad at nakayapak.

3Sinabi ng Panginoon , “Ang lingkod kong si Isaias ay palakad-lakad nang hubad at nakayapak sa loob ng tatlong taon. Itoʼy bilang tanda at babala para sa Ehipto at Etiopia.

4Sapagkat bibihagin ng hari ng Asiria ang mga taga-Ehipto at mga taga-Etiopia, bata man o matanda. Bibihagin sila nang hubad at nakayapak. Makikita ang kanilang puwit, at talaga ngang mapapahiya ang mga Ehipsiyo.[#20:4 : Sa Hebreo, taga-Cus.]

5Ang mga umaasa sa Etiopia at ipinagmamalaki ang Ehipto ay manlulupaypay at mapapahiya.

6Sa araw na mangyari iyon, sasabihin ng mga Filisteo, ‘Tingnan ninyo ang nangyari sa mga bansang ating inaasahan at hinihingan ng tulong para tayoʼy maligtas sa hari ng Asiria. Paano na tayo maliligtas?’ ”[#20:6 : Sa literal, naninirahan sa tabing-dagat.]

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.