Isaias 23

Ang Pahayag Laban sa Tiro at Sidon

1Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Tiro:

Manangis kayong mga barko ng Tarsis.

Sapagkat wasak na ang lungsod ng Tiro

at wala na ang mga daungan nito.

Nanggaling ang balitang ito

sa lupain ng Cyprus.

2Tumahimik kayong mga naninirahan

sa tabing-dagat

pati na kayong mga mangangalakal

ng Sidon.

Ang inyong mga biyahero

na nagpayaman sa inyo

ay bumibiyahe

3sa mga karagatan

para bumili at magbenta

ng mga ani mula sa Shihor

na bahagi ng Ilog ng Nilo.

At nakikipagkalakalan sa inyo

ang mga bansa.

4Mahiya ka, Sidon,

ikaw na kanlungan

ng mga taong nakatira

sa tabing-dagat.

Itinatakwil ka na ng karagatan.

Sinabi niya, “Wala na akong anak;

wala akong inalagaang anak,

babae man o lalaki.”

5Labis na magdaramdam

ang mga taga-Ehipto

kapag nabalitaan nila

ang nangyari sa Tiro.

6Umiyak kayo, kayong mga naninirahan

sa tabing-dagat.

Tumawid kayo sa Tarsis.

7Noon, masaya ang lungsod ng Tiro

na itinayo noong unang panahon.

Nakaabot ang mga mamamayan nito

sa malalayong lupain

at sinakop nila ang mga lupaing iyon.

Ngunit ano ang nangyari

sa kanya ngayon?

8Sino ang nagplano ng ganito sa Tiro,

ang kinikilalang nagkakaloob ng korona,

parang prinsipe ang mga mangangalakal nito

at silaʼy pinararangalan sa buong mundo?

9Ang Panginoon ng mga Hukbo

ang nagplano nito

para ibagsak ang nagmamalaki

ng kanyang kapangyarihan

at ang mga kinikilalang tanyag

sa mundo.

10Kayong mga taga-Tarsis

ay malayang dumaan sa Tiro,

katulad ng Ilog ng Nilo

na malayang dumadaloy,

dahil wala nang pipigil sa inyo.

11Iniunat ng Panginoon

ang kanyang kamay sa dagat,

at niyanig niya ang mga kaharian.

Iniutos niyang wasakin

ang mga kampo ng Fenicia.

12Sinabi ng Panginoon ,

“Mga mamamayan ng Sidon,

tapos na ang maliligayang araw ninyo.

“Wasak na kayo!

Kahit na tumakas kayo papuntang Cyprus,

hindi pa rin kayo magkakaroon

ng kapahingahan doon.”

13Tingnan ninyo ang lupain

ng mga taga-Babilonia,

nasaan na ang mga mamamayan nito?

Sinalakay ito ng Asiria

at hinayaang naging tirahan

ng maiilap na hayop.

Itinayo nila ang toreng panglusob,

giniba nila ang kanyang mga palasyo

at iniwan itong wasak.

14Manangis kayong mga barko ng Tarsis

dahil nawasak na ang kanlungang

pinupuntahan ninyo!

15Ang Tiro ay makakalimutan sa loob ng pitumpung taon, kasintagal ng buhay ng isang hari. Ngunit pagkatapos ng panahong iyon, matutulad siya sa isang babaeng bayaran sa awiting ito:

16“Kaya kunin mo ang iyong alpa

at libutin mo ang buong lungsod,

babaeng bayarang kinalimutan na.

Tugtugin mo ang alpa nang mahusay

at umawit ka ng maraming awit

upang ikaw ay maalala.”

17Pagkatapos ng pitumpung taon, aalalahanin ng Panginoon ang Tiro. Ngunit muling gagawin ng Tiro ang ginawa niya noon, na katulad ng ginawa ng babaeng bayaran. Gagawa siya ng masama sa lahat ng kaharian ng mundo.

18Ngunit sa bandang huli, ang kikitain niyaʼy hindi niya itatabi. Ihahandog niya ito sa Panginoon para ipambili ng maraming pagkain at magagandang klase ng damit para sa mga naglilingkod sa Panginoon .

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.