Isaias 39

Ang mga Sugo mula sa Babilonia

1Nang panahong iyon, nabalitaan ng hari ng Babilonia na si Merodac-baladan na anak ni Baladan, na gumaling si Ezequias sa sakit nito. Kaya nagpadala siya ng sulat at mga regalo sa pamamagitan ng kanyang mga sugo.

2Malugod na tinanggap ni Ezequias ang mga sugo, at ipinakita niya sa mga ito ang lahat ng mga bagay sa taguan ng kayamanan niya – ang pilak, ginto, mga sangkap, magandang uri ng langis, mga armas at ang iba pa niyang kayamanan. Wala ni isang bagay sa palasyo o kaharian ang hindi ipinakita ni Ezequias sa kanila.

3Samantala, pumunta si Propeta Isaias kay Haring Ezequias at nagtanong, “Saan ba nanggaling ang mga taong iyan at ano ang kailangan nila?”

Sumagot si Ezequias, “Nanggaling sila sa malayong lugar ng Babilonia.”

4Nagtanong pa ang propeta, “Ano ang nakita nila sa palasyo mo?”

Sumagot si Ezequias, “Nakita nila ang lahat ng bagay sa palasyo ko. Walang kahit isa sa mga kayamanan ko ang hindi ko ipinakita sa kanila.”

5Pagkatapos, sinabi ni Isaias kay Ezequias, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon ng mga Hukbo:

6Darating ang panahon na dadalhin sa Babilonia ang lahat ng kayamanan sa palasyo mo, pati ang lahat ng naipon ng mga ninuno mo na nariyan pa hanggang ngayon. Walang matitira, sabi ng Panginoon .

7At ang iba sa mga susunod na lahi mo ay bibihagin at magiging mga lingkod sa palasyo ng hari ng Babilonia.”

8Ang akala ni Ezequias ay hindi iyon mangyayari sa panahon niya, kundi magiging mapayapa at walang panganib ang kanyang buhay. Kaya sinabi niya kay Isaias, “Mapagkakatiwalaan ang mensahe ng Panginoon na sinabi mo sa akin.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.