1“Narito ang lingkod ko
na aking pinalalakas ang loob.
Pinili ko siya
at akoʼy nagagalak sa kanya.
Sumasakanya ang aking Espiritu,
at papairalin niya ang katarungan
sa mga bansa.
2Hindi siya sisigaw o magsasalita nang malakas
o magtataas ng boses
sa mga lansangan.
3Hindi niya pababayaan
ang mahihina ang pananampalataya
at hindi niya tatalikuran
ang mga nawalan ng pag-asa.
Matapat niyang papairalin ang katarungan.
4Hindi siya manghihina
o mawawalan ng pag-asa
hanggaʼt hindi niya lubusang
napapairal ang katarungan
sa buong mundo.
Pati ang mga tao sa malalayong lugar
ay maghihintay sa kanyang mga turo.”
5Ito ang sinabi ng Diyos, ang Panginoon
na lumikha ng langit
na iniladlad niyang parang tela.
Nilikha niya ang mundo
at ang lahat ng naroroon.
Siya rin ang nagbibigay ng buhay sa mga tao
at sa lahat ng nilikhang nabubuhay sa mundo.
6“Ako ang Panginoon
na tumawag sa iyo
para ipakita na akoʼy matuwid.
Tutulungan at iingatan kita,
at sa pamamagitan mo
gagawa ako ng kasunduan sa mga tao.
Gagawin kitang ilaw
na magbibigay-liwanag sa mga bansa,
7para imulat ang mga mata ng mga bulag,
at magpalaya sa mga binihag
na ikinulong sa madilim
na bilangguan.
8“Ako ang Panginoon !
Iyan ang aking pangalan!
Hindi ko ibibigay kaninuman
o ibahagi sa mga diyos-diyosan
ang aking karangalan
at mga papuri na para sa akin.
9Tingnan mo!
Ang mga bagay noon
ay nangyayari na,
at ngayon ang ipinapahayag ko
ay mga bagong bagay na;
bago pa mangyari ang mga ito,
ipinapaalam ko na saʼyo.”
10Umawit kayo sa Panginoon ng bagong awit!
Umawit kayo ng mga papuri sa kanya,
kayong lahat na nasa mundo.
Purihin ninyo siya,
kayong mga naglalayag,
kayong lahat ng mga nilikha sa dagat
at kayong mga nakatira
sa malalayong lugar.
11Purihin ninyo siya, kayong mga bayan
na nasa ilang
at kayong mga taga-Kedar.
Umawit kayo sa tuwa,
kayong mga taga-Sela.
Isigaw ninyo ang pagpupuri
sa tuktok ng mga bundok.
12Parangalan ninyo
at purihin ang Panginoon kayong mga isla.
13Ang Panginoon ay lulusob
tulad ng isang bayaning makisig,
siyaʼy darating tulad ng isang mandirigma,
puno ng galit.
Isisigaw niya ang kanyang
hudyat sa digmaan,
at lulupigin niya ang lahat
ng kanyang kaaway.
14“Sa mahabang panahon
nagsawalang-kibo ako;
nanahimik ako
at pinigilan ang sarili ko.
Ngunit ngayon, tulad ng
babaeng nanganganak,
akoʼy sisigaw, hihingal at uungol.
15Gigibain ko ang mga bundok
at mga burol,
at lalantain ko ang mga pananim.
Gagawin kong tuyong lupa
ang mga ilog
at patutuyuin ko ang mga sapa.
16Aakayin ko ang mga mamamayan kong bulag,
sa landas na hindi pa nila nadaraanan,
silaʼy aking gagabayan.
Pagliliwanagin ko ang kadiliman
sa kanilang harapan
at papantayin ko
ang mga baku-bakong daanan.
Gagawin ko ang mga bagay na ito;
hindi ko sila pababayaan.
17Ngunit ang mga nagtitiwala
sa mga diyos-diyosan,
at ang mga itinuturing na diyos
ang kanilang mga imahen
ay tatakas dahil sa malaking kahihiyan.
18“Kayong mga bingi at bulag,
makinig kayo at tumingin!
19Kayoʼy mga lingkod ko at mga pinili.
Isinugo ko kayo
bilang aking mga tagapagsalita,
ngunit walang makakapantay
sa inyong pagbibingi-bingihan
at pagbubulag-bulagan.
20Marami na kayong nakikita
ngunit hindi ninyo pinapansin.
Nakakarinig kayo
ngunit ayaw ninyong makinig!”
21Nais ng Panginoon
na parangalan ang kanyang kautusan
para ipakita na matuwid siya.
22Ngunit ngayon, ang kanyang mga
mamamayan ay ninakawan,
sinamsaman ng ari-arian,
inihulog sa hukay
o ipinasok sa bilangguan,
at walang sinumang
tumulong sa kanila.
23Mayroon ba sa inyong gustong makinig
o magbigay halaga mula ngayon
sa inyong narinig?
24Sino ang nagbigay ng pahintulot
na nakawan si Jacob
at samsaman ng ari-arian ang Israel?
Hindi baʼt ang Panginoon ,
na siyang pinagkasalaan natin?
Sapagkat hindi natin sinunod
ang mga pamamaraan niya
at mga kautusan.
25Kung kaya, ipinadama ng Panginoon
ang matindi niyang galit
sa atin sa pamamagitan
ng pagpapahirap sa atin
sa digmaan.
Ang galit niyaʼy parang apoy
na nakapalibot at sumusunog sa atin,
ngunit hindi natin ito pinansin
o inisip man lamang.