Isaias 45

Pinili ng Diyos si Ciro

1“Ito ang sinabi ng Panginoon

kay Ciro na kanyang hinirang

at pinalakas ang kapangyarihan,

Sakupin mo ang mga bansa

at pasukuin mo ang mga hari.

Buksan mo ang mga pintuan

ng kanilang mga lungsod

at agawin,

at hindi na ito isasara.

2Ako ang maghahanda

ng iyong dadaanan,

at papatagin ko

ang mga bundok.

Gigibain ko ang mga pintuang tanso

at ang mga tarangkahang bakal nito.

3Ibibigay ko sa iyo

ang mga nakatagong kayamanan,

upang malaman mong

ako ang Panginoon ,

ang Diyos ng Israel na tumawag sa iyo.

4Tinawag kita para tulungan mo

ang Israel na aking lingkod at pinili.

Pinarangalan kita

kahit na hindi mo pa ako nakikilala.

5Ako ang Panginoon ,

at wala nang iba pa;

maliban sa akin

ay wala nang ibang Diyos.

Palalakasin kita

kahit na hindi mo pa ako nakikilala

6upang malaman ng lahat sa buong mundo

na walang ibang Diyos maliban sa akin.

Ako ang Panginoon

at wala nang iba pa.

7Ako ang lumikha ng liwanag at ng dilim.

Ako ang nagpapadala

ng kabutihan at ng kapahamakan.

Ako ang Panginoon

na gumawa ng lahat ng ito.

8“Magbibigay ako

ng tagumpay na parang ulan.

Matatanggap ito

ng mga tao sa mundo,

at kakalat ang kaligtasan

at tagumpay na parang tanim

na tumutubo.

Ako ang Panginoong gumawa nito.

9“Nakakaawa ang taong nakikipagtalo

sa Diyos na lumikha sa kanya.

Ang katulad niyaʼy palayok lamang.

Ang putik bang ginagawang palayok

ay maaaring magsabi

sa magpapalayok

kung ano ang dapat niyang gawin?

O makakapagreklamo ba siyang

walang kakayahan ang magpapalayok?

10Nakakaawa ang anak na nagsasabi

sa kanyang mga magulang,

‘Bakit ba ninyo ako ginawang ganito?’ ”

11“Ito pa ang sinabi ng Panginoon ,

ang Banal na Diyos ng Israel,

na lumikha sa kanya,

Nagrereklamo ba kayo

sa mga ginagawa ko?

Inuutusan nʼyo ba ako

sa mga dapat kong gawin?

12Ako ang lumikha ng mundo

at ng lahat ng taong naninirahan dito.

Ang mga kamay ko

ang nagladlad ng langit,

at ako ang nag-utos sa araw,

buwan at mga bituin na lumabas.

13Ako ang tumawag kay Ciro

para isagawa ang aking layunin.

Gagawin kong tama

ang lahat ng pamamaraan niya.

Itatayo niyang muli ang aking lungsod

at palalayain niya

ang mga mamamayan kong binihag.

Gagawin niya ito hindi dahil

sa binigyan siya ng suhol o regalo.

Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo,

ang nagsasabi nito.”

14Sinabi ng Panginoon sa Israel,

“Masasakop mo ang mga taga-Ehipto,

ang mga taga-Etiopia

at ang mga taga-Sabea

na may matatangkad na lalaki.

Paparito sila sa iyo na dala

ang kanilang mga kayamanan

at mga ani.

Silaʼy magiging mga bihag mo.

Luluhod sila sa iyo at magsasabi,

‘Ang Diyos ay totoong kasama mo,

at wala nang ibang Diyos!’ ”

15O Diyos at Tagapagligtas ng Israel,

hindi nʼyo ipinapakita ang inyong sarili.

16Mapapahiya ang lahat ng gumagawa

ng mga rebultong diyos-diyosan.

17Ngunit ang Israel

ay ililigtas nʼyo, Panginoon ,

at ang kaligtasan nila

ay walang hanggan.

Hindi na sila mapapahiya

kahit kailan.

18Kayo Panginoon ang Diyos.

Kayo ang lumikha ng langit

at ng mundo.

Hindi nʼyo ginawa ang mundo

nang walang nabubuhay.

Ginawa nʼyo ito para maging tirahan.

Sinabi nʼyo, “Ako ang Panginoon

at wala nang iba pa.

19Hindi ako nagsalita nang lihim,

nang walang nakakaalam.

Hindi ko sinabi sa mga lahi ni Jacob

na dumulog sila sa akin,

na wala naman silang

matatanggap sa akin.

Ako ang Panginoon ,

nagsasalita ako ng katotohanan.

Sinasabi ko kung ano ang dapat.”

20“Magtipon kayong lahat

at lumapit sa akin,

kayong mga tumakas

mula sa mga bansa.

Walang alam ang mga nagdadala

ng mga diyos-diyosan nilang kahoy.

Nananalangin sila

sa mga diyos-diyosang ito,

na hindi naman makapagliligtas

sa kanila.

21Isangguni ninyo sa isaʼt isa,

at ihayag ang inyong usapin.

Sino ang humula noon

tungkol sa mga bagay na mangyayari?

Hindi baʼt ako, ang Panginoon ?

Wala nang ibang Diyos, ako lang,

ang Diyos na matuwid

at Tagapagligtas.

22“Lumapit kayo sa akin

para maligtas kayo,

kayong lahat sa buong mundo.

Sapagkat ako ang Diyos

at maliban sa akin

ay wala nang iba pa.

23Sumumpa ako sa aking sarili,

at ang mga sinabi koʼy

hindi na mababago.

Ang lahat ay luluhod sa akin,

at silaʼy mangangakong

magiging tapat sa akin.

24Sasabihin nila,

‘Tanging sa Panginoon lamang

magkakaroon ng lakas

at tagumpay na may katuwiran.’ ”

Ang lahat ng napopoot sa Panginoon

ay lalapit sa kanya at mapapahiya.

25Sa tulong ng Panginoon

ang lahat ng lahi ng Israel

ay makakaranas ng tagumpay

na may katuwiran at magpupuri sila sa kanya.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.