1“Makinig kayo, mga lahi ni Jacob,
kayong tinatawag na Israel,
at nagmula sa lahi ni Juda.
Sumusumpa kayo sa pangalan
ng Panginoon
at tumatawag sa Diyos ng Israel.
Ngunit pakunwari lang pala,
dahil hindi naman matuwid
ang inyong pamumuhay.
2Sinasabi pa ninyong kayoʼy
mga mamamayan ng banal
na lungsod,
at nagtitiwala kayo sa Diyos ng Israel,
na ang pangalan
ay Panginoon ng mga Hukbo.
3Sinabi ko na noon pa
kung ano ang mga mangyayari
sa hinaharap.
At itoʼy aking isinakatuparan.
4Sapagkat alam ko kung gaano
katigas ang inyong ulo.
Ang inyong leeg
ay kasintigas ng bakal
at ang inyong noo
ay kasintigas ng tanso.
5Kaya sinabi ko na agad sa inyo
ang aking gagawin.
Noong hindi pa ito nangyayari,
sinabi ko na ito sa inyo
upang hindi ninyo masabing
ang inyong mga diyos-diyosan,
mga imaheng gawa sa kahoy at bakal
ang siyang nag-utos nito.
6Narinig ninyo
ang aking mga propesiya
at nakita ninyo ang katuparan
ng mga ito,
ngunit ayaw ninyong tanggapin
na ako ang gumawa nito.
“Mula ngayon, sasabihin ko sa inyo
ang mga bagong bagay
na hindi ko pa ipinahayag sa inyo.
Hindi pa ninyo ito alam.
7Ngayon ko pa lamang ito gagawin
upang hindi ninyo masabing
itoʼy alam na ninyo.
8Hindi ninyo napakinggan o naunawaan
ang mga bagay na ito
dahil mula pa noon
nagbibingi-bingihan na kayo.
Alam ko ang inyong kataksilan
dahil mula pa noong kayoʼy isinilang
mga rebelde na kayo.
9Alang-alang sa karangalan ko,
pinigilan ko ang aking galit sa inyo
alang-alang sa kapurihan ko,
hindi ko muna ito itinuloy
upang hindi kayo malipol.
10Lilinisin ko kayo
ngunit hindi katulad
ng paglilinis sa pilak,
dahil lilinisin ko kayo
sa pamamagitan ng paghihirap.
11Gagawin ko ito
para sa aking karangalan.
Hindi ako papayag na ako ay mapahiya
at ang mga diyos-diyosan ay maparangalan.
12“Makinig kayo sa akin,
kayong mga taga-Israel
na aking pinili.
Ako ang Diyos;
ako ang pasimula
at ang wakas ng lahat.
13Ang aking mga kamay
ang naglagay ng pundasyon ng mundo
at ako rin ang naglatag ng langit.
Kapag nag-utos ako sa mga ito,
silaʼy sumusunod.
14“Magtipon kayong lahat at makinig:
Sino sa mga diyos-diyosan
ang humulang lulusubin
ng kaibigan ng Panginoon
ang Babilonia para sundin
ang ipinapagawa niya
laban sa bansang iyon? Wala!
15Ako mismo ang nagsabi sa kanya
at ako rin ang tumawag sa kanya.
Dadalhin ko siya rito
at siyaʼy magtatagumpay
sa kanyang gagawin.
16“Lumapit kayo sa akin at pakinggan ito:
Mula pa ng pasimula
hindi ako nagsalita nang lihim.
Sa panahon na mangyari
ang sinabi ko, naroon ako.”
At ngayon sinugo ako
ng Makapangyarihang Panginoon
at ng kanyang Espiritu
dala ang mensaheng ito.
17Sinasabi ng Panginoon
na inyong Tagapagligtas,
ang Banal na Diyos ng Israel:
“Ako ang Panginoon na inyong Diyos
na nagturo sa inyo kung ano
ang mabuti para sa inyo
at ako ang pumatnubay sa inyo
sa tamang daan.
18Kung kayo lamang ay sumunod
sa aking mga utos,
dumaloy sana na parang ilog
ang kapayapaan sa inyo,
at magsunod-sunod ang inyong tagumpay
na parang alon na dumarating
sa dalampasigan.
19Ang inyo sanang mga lahi ay naging
kasindami ng buhangin
na hindi mabilang,
at tinitiyak kong hindi
sila mapapahamak.”
20Lisanin ninyo ang Babilonia!
Malaya na kayo
sa inyong pagkakabihag.
Buong galak ninyong ihayag
sa buong mundo
na iniligtas ng Panginoon
ang kanyang lingkod,
ang mga mamamayan ng Israel.
21Hindi sila nauhaw
nang patnubayan sila ng Diyos sa ilang,
dahil pinaagos niya ang tubig
mula sa bato para sa kanila.
Biniyak niya ang bato
at umagos ang tubig.
22“Ngunit ang masasama
ay hindi magkakaroon ng kapayapaan,”
wika ng Panginoon .