Isaias 5

Awit tungkol sa Ubasan

1Aawit ako para sa aking minamahal

tungkol sa kanyang ubasan:

May ubasan ang aking minamahal

sa burol na mataba ang lupa.

2Inararo niya ito,

inalisan ng mga bato,

at tinamnan ng mga piling ubas.

Nagtayo rin siya ng bantayang tore,

at nagpagawa ng pigaan ng ubas.

Pagkatapos, hinintay niya ang ani

ng matatamis na ubas,

subalit ang mga lumago naman

ay pawang maaasim.

3Kaya sinabi niya:

“Kayong mga nakatira

sa Jerusalem at Juda,

kayo ang humatol sa pagitan

namin ng aking ubasan.

4Mayroon pa ba akong dapat gawin

para sa aking ubasan

na hindi ko pa nagagawa?

Matamis na bunga ang aking inaasahan,

ngunit nang pitasin ay maasim naman.

5Sasabihin ko sa inyo

ang gagawin ko sa ubasan ko.

Aalisin ko ang halamang bumabakod dito,

at itoʼy masisira;

wawasakin ko ang pader nito,

at itoʼy tatapak-tapakan.

6Pababayaan ko na lang ito

at hindi na aalagaan.

Hindi ko na rin ito puputulan

ng mga sanga o bubungkalin.

Hahayaan ko na lang ito na matabunan

ng mga damo at matitinik na halaman.

At ang mga ulap ay aking uutusan

na huwag itong patakan ng ulan.”

7Ang bayang Israel ang ubasan

ng Panginoon ng mga Hukbo.

Ang sambayanan ng Juda

ang tanim na ikinatutuwa niya.

Umasa siyang makakita ng katarungan,

subalit pang-aapi ang kanyang natagpuan.

Umasa siyang makakita ng katuwiran,

ngunit sa halip, iyak ng kahirapan

ang kanyang napakinggan.

Ang Pagkakasala at Paghuhukom kay Juda

8Nakakaawa kayong

mga nagpaparami ng mga bahay

at nagpapalawak ng inyong mga lupain

hanggang sa wala nang lugar para sa iba

at kayo na lang ang nakatira sa lupaing ito.

9Sinabi sa akin

ng Panginoong Makapangyarihan,

“Tiyak na mapapabayaan

ang malalaki at magagarang bahay na ito

at wala nang titira dito.

10Ang dalawang ektaryang ubasan

ay aani na lamang

ng anim na galong alak.

At ang sampung takal na binhi

ay aani lang ng isang takal.”

11Nakakaawa kayong bumabangon nang maaga

para mag-inuman at maglasing

hanggang lumalim ang gabi.

12May mga alpa at lira pa kayo

sa inyong mga piging,

may tamburin, plawta at alak na nakahain.

Ngunit hindi ninyo pinapansin

ang ginagawa ng Panginoon .

13Kaya kayong mga mamamayan ko

ay mabibihag

sapagkat kulang kayo sa pang-unawa.

Ang inyong mga matataas na opisyal

ay mamatay sa gutom,

at ang mga karaniwang taoʼy

malulugmok sa pagkauhaw.

14Nananabik na ang libingan

na may bungangang nakaabang,

hinihintay nitong lamunin

ang mga maharlika

hanggang sa mga karaniwang mamamayan,

pati na ang mga taong nagdiriwang.

15Kaya ibabagsak

ang lahat ng tao,

lalo na ang mga mapagmataas.

16Ngunit ang Panginoon ng mga Hukbo

ay dadakilain sa kanyang katarungan.

Patutunayan ng Diyos na siyaʼy banal

sapagkat matuwid

ang kanyang paghatol.

17Sa araw na iyon,

manginginain ang mga tupa

na para bang nasa sariling pastulan,

at kakain ang mga pinatabang tupa

at batang kambing

sa nawasak na lungsod

ng mga mayayaman.

18Kahabag-habag kayong binubuntutan

sa kasalanan

kayong paghahabi ng kasinungalingan

ang pinagkakaabalahan,

hindi na kayo makakawala sa gapos

ng inyong panlilinlang.

19Sinasabi nʼyo pa,

“Bilis-bilisan sana

ng Banal na Diyos ng Israel

na gawin ang sinabi niyang kaparusahan

upang makita na namin.

Magkatotoo na nga ang kanyang plano,

upang malaman namin ito.”

20Kahabag-habag kayong mga nagsasabi

na ang masama ay mabuti

at ang mabuti ay masama.

Ang kadiliman ay sinasabi ninyong liwanag

at ang liwanag ay sinasabi ninyong kadiliman.

Ang mapait ay sinasabi ninyong matamis

at ang matamis ay sinasabi ninyong mapait.

21Kahabag-habag kayo,

kayong mga nag-aakalang

kayoʼy marurunong at matatalino.

22Kahabag-habag kayo,

kayong malalakas uminom ng alak

at bihasa sa pagtitimpla nito.

23Pinakakawalan ninyo

ang may mga kasalanan

dahil sa suhol,

ngunit hindi ninyo binibigyan

ng katarungan ang mga walang kasalanan.

24Kaya matutulad kayo

sa dayami o tuyong damo

na masusunog ng apoy.

Matutulad din kayo sa tanim

na ang mga ugat ay nabulok

o sa bulaklak na tinangay ng hangin

na parang alikabok,

dahil itinakwil ninyo ang kautusan

ng Panginoon ng mga Hukbo,

ang Banal na Diyos ng Israel.

25Kaya naglagablab ang poot

ng Panginoon sa inyo

na kanyang mga mamamayan,

iniamba niya ang kanyang kamay

at kayoʼy kanyang pinarusahan.

Nayanig ang mga bundok

at nakakalat sa mga lansangan

ang inyong mga bangkay

na parang mga basura.

Ngunit hindi pa rin humupa

ang kanyang poot.

Ang kanyang kamay

ay nananatiling nakaamba.

26Sesenyasan niya ang mga bansa sa malayo;

sisipulan niya ang mga nakatira

sa pinakamalayong bahagi ng mundo,

at agad silang darating

para salakayin kayo.

27Ni isa man sa kanila

ay hindi mapapagod o madadapa,

at wala ring aantukin o matutulog.

Walang sinturong luluwag sa kanilang baywang,

walang tali ng sandalyas na malalagot.

28Ang kanilang mga palasoʼy matutulis,

at ang kanilang panaʼy nakakabit

at nakaamba.

Ang mga paa ng kanilang kabayo

ay tulad ng matitigas na bato,

at ang gulong ng kanilang mga karwaheʼy

tulad ng ikot ng buhawi.

29Ang sigaw nilaʼy parang ungol ng leon,

umaatungal silang gaya ng mga batang leon.

Habang umuungol ay sinasakmal nila

ang kanilang biktima,

kinakaladkad nila ito

at wala nang makakapagligtas nito.

30Sa araw na sumalakay sila sa Israel,

sisigaw sila na parang ugong ng dagat.

At kapag tiningnan

ng mga tao ang lupain ng Israel,

ang makikita nila ay kadiliman at kahirapan.

Ang liwanag ay matatakpan

ng makapal na ulap.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.